
Para kina Lani Mercado at Paolo Contis, hindi lang basta entertainment reporter o talent manager ang namayapang si Manay Lolit Solis, kundi isang tagapagtanggol nila at ng mga mahal nito sa buhay.
Sa pagbisita nina Lani at Paolo sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Martes, June 8, binalikan nila ang ilang hindi malilimutang alala tungkol kay Manay Lolit. Muli ring pinagtibay ng actor-comedian ang naunang pahiwatig niya na “protector and enemy” niya ang namayapang talent manager.
“Iba kasi kami mag-away ni 'Nay Lolit, e. As in, grabe 'yung pagpapagalit niya sa akin kapag may mga maling nangyayari, and kapag hindi ako sumusunod. Ang gagawin niya, 'yung mga mali ko, ikakalat niya 'yun,” pag-alala ni Paolo.
Mahigpit man sa kaniya si Lolit ay may kaakibat naman itong pagmamahal na dinadaan nito sa pagprotekta sa kaniya tungkol sa mga isyu tungkol sa Bubble Gang star.
“Poprotektahan naman niya ako 'pag nag-backfire sa 'kin. Pero ganu'n talaga siya maglambing, she will protect you, kahit kanino, kahit kanino talaga, nang-aaway talaga siya, nakita ko ko 'yun, naranasan ko 'yun,” sabi ni Paolo.
TINGNAN ANG CELEBRITIES NA NAGLULUKSA NGAYON SA PAGPANAW NI LOLIT SOLIS SA GALLERY NA ITO:
Inalala rin ni Lani ang pagiging staunch defender ni Manay Lolit at ang pagiging matinik na imbestigador nito. Sa katunayan, maituturing niyang mas magaling pa ito sa ilang government agencies pagdating sa pag-iimbestiga.
“Mas marami pa siyang alam kesa sa akin at sasabihin niya lahat ng mga sikreto, at pagkatapos nu'n, pero at the end of the day, sasabihin niya, ''Wag kang mag-alala, iimbestigahan ko 'yan,'” pag-alala ni Lani.
Pagpapatuloy pa ng actress-turned-politician, “Pero para sa akin, Nanay will always be our defender.”
Bukod kay Lani, ang asawa niyang si dating Senador Ramon "Bong" Revilla, Jr., ay isa rin sa mga pinakamatagal nang alaga ng yumaong talent manager.
Ayon pa kay Lani, straightforward si Manay Lolit at madalas ay sasabihin nito sa kaniya ng direkta kung ano ang tama at mali.
Ibinahagi rin ni Lani ang madalas na payo sa kaniya ni Manay Lolit, “Pero ang laging advice niya sa akin, 'Laban lang, Lani. Stick it out, through thick and thin.'”