
Hindi na makakabalik ang Asia's Nightingale na si Lani Misalucha sa finals ng The Clash Season 3 bilang hurado.
Ito ay dahil patuloy na nagpapagaling ang batikang singer mula sa kanyang karamdaman.
October 18 ang huling appearance ni Lani sa third season ng TV singing competition. Pinalitan siya ni Pops Fernandez bilang parte ng The Clash panel, kasama sina Aiai Delas Alas at Christian Bautista, sa mga sumunod na episodes.
Ayon sa Instagram post ng concert queen noong December 8, ito raw ay isa sa mga bagay na ipinagpapasalamat niya ngayong panahon ng COVID-19 pandemic dahil nabigyan siyang muli ng trabaho.
Saad ni Pops, "During her absence, I was given the opportunity to be one of the judges. Ang saya po namin sa set. At ang babait po lahat ng nakatrabaho ko. And this show came at the right time."
Samantala, masaya namang ibinalita ni Pops sa parehong post na "doing well" na ang kanyang kaibigang si Lani.
Sa katunayan, kahit hindi na siya makakabalik sa finals ng The Clash Season 3, may espesyal na production number si Lani sa The Clash Christmas Special, kung saan ibabahagi niya ang kondisyon ng kanyang kalusugan sa unang pagkakataon.
Kahit ilang linggo nang hindi napapanood sa The Clash, patuloy pa rin ang suporta ni Lani sa programa sa pamamagitan ng pagse-share ng promo materials nito sa kanyang social media accounts.
Nakatakdang magtapos ang The Clash Season 3 sa December 20.