
Buo na ang plano ni ni Asia's Nightingale Lani Misalucha na bumalik muna sa Amerika at doon muna mamalagi ngayong tapos na ang The Clash 2021, kung saan isa siya sa mga hurado.
Ayon sa "Chika Minute" report ni Lhar Santiago sa 24 oras noong December 16, sa Amerika muna maninirahan si Lani kasama ang kanyang pamilya.
Sabi ng OPM diva, "I am praying na makaabot ako sa Amerika, sa bahay namin, bago mag-Pasko. So, tatapusin lang itong The Clash at uuwi na 'ko at saka sana lang walang magiging aberya sa pag-travel natin and... Actually, meron akong mga shows na gagawin sa Amerika."
Halos dalawang taon nang hindi nakikita ni Lani ang kanyang mga anak at apo kaya nasasabik na raw siyang makauwi sa Las Vegas, Nevada.
"I cannot wait to see my daughters, especially, ang aking mga apo na ngayon ay, my goodness, malalaki na. 'Yung pinakabata, kakapanganak niya lang no'n. No'ng umalis kami sa Las Vegas, he was only ten days old, ngayon magtu-two years old na siya sa February."
Ang mam-imiss daw niya sa kanyang pag-alis ay ang mga kasama niya sa The Clash--ang co-judges niyang sina Aiai Delas Alas at Christian Bautista, pati ang hosts ng programa na sina Julie Anne San Jose, Rayver Cruz, Ken Chan, at Rita Daniela.
"Napamahal ako sa mga kasama ko sa The Clash. Bawat isa talaga sa kanila, they are really, really nice people. Mababait 'tong mga 'to, masarap katrabaho, walang yabang sa katawan."
Sa katunayan, ipinakita pa ni Lani ang kanilang magaan na samahan sa likod ng camera.
Ibinahagi niya sa Instagram account niya ang kulitan nila sa dressing room noong grand finals na ipinalabas noong December 19.
Mapapanood sa IG video na nagkunwaring room boy at waiter sina Rayver at Ken dahil sa kanilang pormal na kasuotan.
Samantalang si Aiai naman ay nag-ala entertainer dahil naman sa kanyang mala-dancing inflatable tube na costume.
Nakatapos man ng isa na namang season ang The Clash, mapapanood pang muli si Lani sa telebisyon via 2021 GMA Christmas special na Paskong Pangarap na mapapanood sa December 25, 7:15 p.m.
Dito ay kasama ni Lani ang kanyang mga kasamahan sa The Clash, maging ang past contestants nito kabilang ang season four finalists na sina VIlmark Viray, Julia Serad, Mauie Francisco, at Lovely Restituto, at ang bagong kampeon na si Mariane Osabel.
Kilalanin ang The Clash 2021 grand champion dito: