
Ibinahagi ng main cast ng You're My Favorite Song na sina Heath Jornales, Clifford, Marco Masa, at Caprice Cayetano ang kanilang labis na pasasalamat sa lahat ng kanilang supporters at fans.
Sa isang eksklusibong panayam sa GMANetwork.com, ipinahayag ng apat ang kanilang kagalakan sa walang-sawang suportang natanggap ng katatapos lang nilang GMA Afternoon Prime romance-drama series, pati na rin sa matagumpay na grand fan meet na ginanap noong Sabado, August 1, sa SM North EDSA Skydome.
Ayon kay Caprice, ang kanilang solid fans at supporters ang pangunahing dahilan kung bakit naging posible ang naturang fan meet, kaya naman buong-puso ang kanilang pasasalamat sa mga ito.
“Nagpapasalamat po talaga ako sa mga sumusuporta sa amin lalo na sa aming mga Faves, sa mga solid and sa mga shippers po dahil wala pong concert or fan meeting, [hindi po] magkakaroon ng ganito kung hindi po dahil sa kanila,” ani Caprice.
“Wala rin po kami sa posisyon kung wala rin po 'yung mga sumusuporta sa amin kaya thankful po at forever din po akong magpapasalamat sa kanila,” dagdag ng aktres.
Pinasalamatan din ng young Kapuso actress ang fans at mga tagasubaybay ng serye matapos umabot sa mahigit 2 milyong boto ang kanilang weekly kilig meter poll noong finale week nito.
“Opo na 2 million, sobrang nagulat po talaga ako na grabe po sobra pong ka-excited 'yung mga tao sa magiging finale po ng You're My Favorite Song. I love you, Faves! Thank you!” sabi ni Caprice.
Nagpasalamat din si Heath sa kanilang fans na palaging nakasuporta sa kanila. Aniya, itinuturing niyang isang “answered prayer” ang mga ito sa tuwing ipinagdarasal niya ang tagumpay ng kaniyang proyekto.
“Ako po, ang masasabi ko po sa pag-support po ng mga fans po sa amin, for making this [fan meet] possible, ako I'm just gonna say na I am really thankful and grateful na sila po 'yung naging fans po namin,” ani Heath.
“I am really happy na they're super supportive and everytime I pray for our show po na maging successful, it did. So ayon, thankful that my prayers were answered and binigay ni Lord 'yung amazing fans na mayroon kami. I love you guys so much!” dagdag ng aktor.
Hindi rin nakalimot si Clifford na pasalamatan ang supporters na sumubaybay sa kanilang serye at nakisaya sa kanilang grand fan meet. Bukod dito, nagpaabot din ng pasasalamat ang aktor sa mga fans at shippers ng tambalan nila ni Caprice na tinaguriang 'CapFord.'
“Grabe! I am super super grateful sa lahat ng sumuporta sa amin, sa lahat ng Faves na sumuporta ng You're My Favorite Song,” pahayag ni Clifford
“Of course sa mga fans namin ni Caprice, maraming salamat sa lahat ng CapFord fans, were gonna do our best for you. Itong fan meet na 'to ay para sa inyong lahat. We love you all. This won't be the last. We're gonna see you really soon,” dugtong pa niya.
Ipinahayag din ni Marco ang kaniyang pasasalamat sa lahat ng sumuporta sa kanilang serye. Aniya, bagamat hindi mahaba ang itinagal nito, naging masaya at memorable pa rin ang kaniyang karanasan sa buong proyekto.
Dagdag pa niya, umaasa siyang magkaroon ito ng kasunod na yugto o kaya'y maisapelikula sa hinaharap.
“Nagpapasalamat lang talaga ako sa suporta na ibinigay niyo sa You're My Favorite Song kahit na hindi tayo gano'n nagtagal, 'yung bonding naman, naging memorable naman 'yung pagsasama natin. Hanggang sa susunod, Faves!” ani Marco.
“Kahit medyo rushed siya, kasi it's like a mini series, I would say naging masaya naman 'yung mga tao. Mas nagho-hope ako na magkaroon ng part two or ng mas mahabang version or like ng movie. Who knows 'di ba?” dagdag pa ng aktor.
Mula sa pagiging tanyag na housemates sa Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition 2.0, naging mas mainit ang pagtanggap ng publiko kina Caprice, Heath, Clifford, at Marco. Ang katatapos lamang na romance-drama na You're My Favorite Song ang kauna-unahang serye kung saan sama-sama silang nagbida sa iisang proyekto.
Related Gallery: Heath Jornales, Clifford, Marco Masa, Caprice Cayetano bring kilig to 'You're My Favorite Song' fan meet