
Bilang sexy stars, nakatanggap ng indecent proposals noon ang Hating Kapatid actors na sina Leandro Baldemor at Mercedes Cabral. Sa katunayan, isang transgender admirer pa nga ng aktor ang lumipad sa japan para lang regaluhan siya noon.
Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Lunes, October 6, binalikan ni Leandro ang kuwento tungkol sa naturang admirer. Pag-alala ni King of Talk Boy Abunda, pinuntahan umano ng admirer si Leandro sa Japan at binigyan siya ng ilang mga regalo.
Pagbabahagi ni Leandro, “Totoo po 'yun. Kuya Boy, hindi ko alam 'yun. ' Yung nagpunta siya sa Japan, sa club namin, kasi parang pagsusumahin natin, galing siyang Cebu, pumunta pa siya sa club namin sa Shinjuku. Isang bagsakan 'yun.”
Pag-amin ng aktor, hindi siya makapaniwala noon sa ginawa ng kaniyang admirer. Kuwento ni Leandro, birthday niya noon nang lumipad sa Japan ang kaniyang admirer. Aniya, hindi niya alam na alam nito ang kaarawan niya kaya laking gulat niya nang makita ito doon.
“Hinintay niyang mag-close 'yung Umise, tapos sabi niya sa akin, 'Birthday mo ngayon, kung ano'ng gusto mo, ibibigay ko sa'yo,'” pag-alala ng aktor.
At ang birthday wish ni Leandro? “Sabi ko Rolex ang gusto ko. Binigyan ako ng Rolex. Tapos 'yung iba, 'Sige, ano pa ang gusto mo?'”
Paglilinaw ni Leandro ay malinaw sa kanilang dalawa na walang kapalit ang pagbibigay ng mga regalo ng kaniyang admirer. May mga napag-usapan man sila na mahalin lang sana ng aktor ang kaniyang admirer kapalit ng mga bigay nito sa kaniya, hindi naman sila talagang umabot doon.
“May mga ganu'ng usap, Kuya Boy, e. Pero hindi kami dumating sa ganu'n kasi parang nagkaroon siya ng isang partner na nu'n. Doon din,” sabi ng aktor.
TINGNAN ANG ILAN SA MGA SUCCESSFUL LGBTQIA+ COUPLES SA GALLERY NA ITO:
Pagbabahagi pa ng aktor, binalak niyang ibalik ang mga ibinigay sa kaniya ng kaniyang admirer, lalo na at meron umano itong gusto na hindi niya maibigay. Hindi na nagbigay pa ng detalye ang aktor tungkol dito, ngunit sinabing hanggang ngayon ay pinapasalamatan pa rin niya ang kaniyang admirer.
Sa katunayan, kung magkikita sila ngayon, ayon kay Leandro, ay yayakapin niya ito at pasasalamatan.
“Yayakapin ko siya, tapos magpapasalamat ako sa kaniya kasi tao ka. Tapos ang naging problema ko sa sarili ko is masyado kitang sinamantala kaya siguro, nu'ng mga panahon na 'yun, bata pa 'ko. Hihingi ako ng tawad sa kaniya kasi hindi man nakapagsalita sa akin ng 'Bakit mo, ganiyan, ganiyan,' kasi bata ako, wala akong pakialam,” sabi ni Leandro.
Saad pa ng aktor, “Tapos itong mga alam mo na 'yung buhay, may pamilya ka na, nagkaanak ka na, naisip ko na.”