
Isa sa mga kilalang child actor noon si Lester Llansang, na nagsimula sa showbiz sa edad na apat na taong gulang.
Sa katunayan, nakatanggap pa siya ng mga pagkilala noon mula sa Metro Manila Film Festival at FAMAS.
Sa panayam sa kanya ni Pia Arcangel sa Tunay na Buhay, sinabi ni Lester na lubos niyang nagustuhan ang pagiging artista noong kabataan niya. Kaya naman hindi raw pumasok sa isip niya ang magpahinga.
"In-enjoy ko talaga siya, e, natuwa talaga ako sa pagiging artista. Na-enjoy ko talaga siya," ani Lester.
Subalit dumalang ang pagdating ng mga proyekto nang magbinata na ang dating child actor. Ito raw ang naging dahilan kung bakit natigil siya sa pag-aartista.
Ayon kay Lester, "Nagma-mature na yung hitsura [ko], even yung galaw, siyempre, sa pag-arte. Parang hindi na ako mailagay sa role na anak. So, noong nakita nila ako na parang medyo alanganing stage, nag-lie low ako nang konti. Kasi, ang mga naging roles ko na, adik... Hindi rin naman ako pwedeng ilagay din as tatay kasi hindi rin ako pwedeng gawing tatay. Doon medyo nag-struggle nang konti yung career ko bilang artista.
Noong nakaraang taon, nabigyan ng pagkakataon si Lester na bumalik sa showbiz ng maging bahagi ng isang programa. Pero muli itong naantala dahil isa siya sa naapektuhan nang magsara ang kabilang istasyon.
Aminado si Lester na lubos siyang naapektuhan lalo pa't nangyari ito sa gitna ng pandemya.
"Na-depress po talaga ako, sobrang nanahimik lang ako sa bahay, gita-gitara lang ako doon. Unti-unti, yung mga tropa ko nagcha-chat sa akin, 'O, balita sa 'yo?' At least, nandiyan pa rin yung mga kaibigan ko, na hindi naman ako iniwan during the pandemic."
Habang naghihintay ng panibagong showbiz offer, naging abala muna si Lester sa pagiging online seller Siya na rin ang nagsisilbing delivery rider ng kanyang mga itinitinda.
Hindi raw niya ito ikinakahiya dahil, "Masaya ako sa ginagawa ko, e."
Dagdag pa niya, "At saka hindi siya rider lang, lalo na ngayong pandemi, talagang kailangan natin sila."
Sa ngayon, isa nang ama si Lester sa kanyang 11-year-old na anak. Bagamat hiwalay na sa asawa, nilinaw niya na maayos naman ang kanilang relasyon.
"Okay naman po, in good terms naman kami. Kami na ang nagkakaintindihan, para doon sa bata kasi. Pero okay kami, meron na siyang boyfriend ngayon, meron akong girlfriend ngayon. Okay din kami kahit sa bata kasi 'yung anak ko talaga nakakaintindi."
Panoorin ang panayam ni Lester sa Tunay na Buhay sa video sa itaas.
Samantala, tingnan ang ilang celebrities na nilisan ang buhay showbiz: