
Isang rebelasyon ang hatid ni Underage lead star Lexi Gonzales sa latest podcast episode ng Updated with Nelson Canlas nang kumpirmahin nito ang estado ng kanilang relasyon ni Gil Cuerva.
Sa nasabing episode, tinanong ni GMA News showbiz reporter Nelson Canlas kung nandiyan pa rin ang masugid na manliligaw ng aktres.
Sagot ng StarStruck Season 7 First Princess, “Well, hindi na siya manliligaw ngayon. He's on a… mas mataas na 'yung [level] niya.”
Nang tanungin ng Kapuso reporter kung official boyfriend na ba ng aktres ang kaniyang manliligaw, ani Lexi, “Yeah.”
Matapos ang kaniyang pag-amin, ibinahagi naman ng Sparkle artist ang mga katangian na nagustuhan niya kay Gil.
Aniya, “Persistent siya. Hindi siya 'yung the type na... kasi tayong mga babae minsan, aminin na natin kahit minsan ang ibig sabihin natin yes, sasabihin natin no, ayoko, no. Pero hindi siya magsa-stop sa gano'n. Talagang masugid siya, talagang hindi siya titigil hangga't hindi niya nakukuha sa akin 'yung gusto ko sabihin.
“Pero ngayon we're working on… siyempre kapag kayo na talaga diyan na 'yung dapat maayos 'yung communication. Hindi na puwede 'yung, no means yes or yes means no, 'di ba?”
Ayon pa kay Lexi, patuloy na ipinapakita ni Gil ang pagiging ma-effort nito na isang bagay na ikinahahanga ng aktres.
Kuwento niya, “Genuine siya. He's really smart and he takes the extra effort to guide me-- I mean to teach me things kasi I'm younger. Parang madalas naman niyang sinasabi sa akin 'yun. So he's really there to help me. And not just that, but also someone I can really rely on.”
Noong December 2022, maraming netizens ang kinilig sa ibinahaging larawan ni Lexi kasama si Gil na mayroong caption na “My 2022 plot twist.”
Naunang kinumpirma ng Kapuso actress-singer sa isang panayam na sila ay “dating” ni Gil.
Samantala, mapapanood sina Lexi at Gil sa Underage tuwing Lunes hanggang Biyernes, 4:25 p.m., sa GMA Afternoon Prime pagkatapos ng Fast Talk with Boy Abunda.
MAS KILALANIN PA SI LEXI GONZALES SA GALLERY NA ITO.