
Isang matapang na pagganap ang bagong masasaksihan kay Lianne Valentin sa latest collaboration series ng GMA Network at Regal Entertainment na Lovers/Liars.
Isa si Lianne sa mga bibida sa non-conventional, triple-plot drama series na ito tampok ang kuwento ng pag-ibig na nababalot ng sikreto at kasinungalingan. Makakasama niya sina Optimum Star Claudine Barretto, Shaira Diaz, Yasser Marta, Rob Gomez, Kimson Tan, Michelle Vito, Sarah Edwards, Polo Ravales, at Christian Vazquez.
Sa Lovers/Liars, makikilala si Lianne bilang Hannah Salalac, bread winner at piniling huminto ng pag-aaral para masuportahan ang kanyang pamilya.
Naging isang walker at ngayon ay babae na ng mayamang businessman na si Victor Tamayo, na gagampanan ni Christian Vasquez. Makikilala at iibig si Hannah kay Kelvin Chong, na bibigyang buhay ni Kimson Tan, na nangakong bibigyan siya ng magandang kinabukasan.
Sa exclusive interview ng GMANetwork.com, ipinakilala ni Lianne ang bagong karakter na gagampanan sa primetime.
"Ako dito si Hannah, isa akong sugar baby. Pero, bukod doon breadwinner siya ng family n'ya and lagi siyang nagbibigay sa kapatid n'ya. Siya 'yung main provider sa family niya," pagpapakilala ni Lianne.
Dagdag niya, "And of course, mahilig din siyang pumorma, mag-makeup, kikay siya. Mayroon siyang bestfriend si Andrea (Michelle Vito).
"Medyo kalog, may humor, ma-joke. Medyo babaeng bakla pero hindi sobra, may poise pa rin."
Ibinahagi rin ni Lianne ang naging unang impression niya sa kanyang karakter sa Lovers/Liars na, aniya ay, "parang 'Apoy Sa Langit' at 'Royal Blood' in one."
"Kaya ko nasabi 'yun kasi parang sa 'Apoy Sa Langit,' I started there na parang may pagka-'sugar baby' pero hindi OA. Tapos sa 'Royal Blood' naman 'yung ganitong look ko hindi masyadong nagkakalayo," sabi ng aktres.
Excited na rin si Lianne na mapanood ng lahat ang bagong role na pagbibidahan sa Lovers/Liars.
"I'm very excited to portray this role kasi as in in-explore ko 'yung role, [marami rin akong] naiisip na para lang hindi siya maging... alam mo 'yung stereotype na sugar baby siya. May depth kumbaga 'yung character. So, very excited ako to play this role and for you guys to know Hannah more as the time goes by."
Abangan si Lianne sa Lovers/Liars simula November 20, 9:35 p.m. sa GMA Telebabad.
MAS KILALANIN SI LIANNE VALENTIN SA GALLERY NA ITO: