
Puno ng pagmamahal ang mga karakter nina Lianne Valentin at Benjamin Alves na sina Ronnie at Wilfred sa GMA Afternoon Prime series na Akusada. Ngunit may pinagkaiba nga ba kung paano umibig ang mga aktor mula sa kanilang mga karakter?
Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Martes, July 15, ibinahagi nina Lianne at Benjamin kung papaano sila nagkaiba pagdating sa pagmamahal mula sa kanilang mga karakter. Ayon sa aktres, malaki ang pinagkaiba niya mula sa karakter na si Ronnie.
“Ang laki ng pagkakaiba nila siguro kasi Tito Boy, ako, hindi ko kayang ipilit 'yung sarili ko sa taong ayaw naman sa akin kasi I know my worth, I know na eventually, may someone na tatanggap talaga sa 'kin kung sino ako at mamahalin ako sa kung sino ako,” sabi ni Lianne.
Ngunit aminado din siyang may mga taong katulad ni Ronnie na ipilit ang sarili nila at hindi titigil hangga't hindi nila nakukuha ang taong mahal nila. Pagbabahagi pa ng aktres, may mga tao rin na nag-aakalang makukuha nila ito “in just a snap.”
TINGNAN ANG CELEBRITIES NA PINILING MAGMAHAL SA LABAS NG SHOWBIZ SA GALLERY NA ITO:
Iba naman ang sitwasyon nina Benjamin at Wilfred dahil ayon sa aktor, “more or less, pareho naman po kami.”
“Hopeless romantic po siya, hopeless romantic din naman po ako, even though sabihin ng wife ko, I should be romantic. But pareho lang po kami,” sabi ni Benjamin.
Pag-amin din ng aktor ay laging a work in progress siya pagdating sa pag-ibig.
Tinanong din sila ni King of Talk Boy Abunda kung handa ba silang magpatawad ng cheating sa konteksto na kasal si Benjamin at in a relationship naman si Lianne. Ang aktor, sinagot na oo, base sa turo ng simbahang Katoliko.
“We were raised under the Catholic Church and forgiveness doesn't know any levels naman. Although that might be a little bit more hurtful, I'll take a little longer to recover from it,” sagot ni Benjamin.
Hindi naman umano masabi ni Lianne kung handa ba siyang patawarin ang kung sino mang magchi-cheat sa kaniya, at sinabing ibabase niya ito sa sitwasyon.
Ngunit paglilinaw ng aktres, “Pero ako kasi, once you betray me, ang hirap nang ibalik, super trust issues na. I've been there, I mean ang hirap kasi lagi mo na siyang maiisip maya't maya.”