
Challenging para kay Sparkle actress Lianne Valentin ang bagong karakter na gagampanan sa murder mystery drama na Royal Blood.
Kuwento ni Lianne sa GMANetwork.com, mahirap para sa kanya ang role na pagbibidahan sa Royal Blood. Sa action-packed family drama, makikilala ang aktres bilang Beatrice Royales, pangatlong anak ng business tycoon na si Gustavo Royales (Tirso Cruz III) at half-sister ni Napoy (Dingdong Dantes).
"Mahirap 'yung role ko talaga kasi murder mystery siya, so kailangan ko ring maging creative like kung ano 'yung ambag mo roon sa 'murder mystery part.' Usually 'di ba 'yung nuances, 'yung mata, 'yung galaw, it's very important. So ako naman doon ako nahirapan kung paano ba 'yung ambag ko roon sa mga little nuances and details na 'yun," sabi ni Lianne.
Ayon sa aktres, malaki ang kaibahan ng role niya ngayon kumpara kay Stella, ang dating ginampanang karakter sa hit series na Apoy Sa Langit.
"Medyo mahirap din talaga siya kasi different siya from Stella, 'yung role ko sa Apoy Sa Langit. Iyon very bata, bubbly, as in walang class. Ito may class siyang tao, nakapag-aral sa isang engrandeng eskwelahan, so pati 'yung pananalita and the way 'yung posture ko and the way I do things it matters. 'Yun talaga 'yung pinagtuunan ko ng pansin sa preparations," pagbabahagi ng aktres.
"Si Beatrice, may-ari siya ng isang makeup company. She's also a race car driver and a fashionista. Very imo at very goal oriented. She wants na matupad lahat ng pangarap niya, especially for her family," dagdag niya.
Nang tanungin kung ano ang pagkakapareho niya kay Beatrice, sagot ni Lianne, "Very goal-oriented din ako, very goal-driven, as in hindi ko titigilan hangga't hindi ko nakukuha o na-a-achieve 'yung gusto kong ma-achieve. May pagka-fashionista rin ako in real life, so doon din."
Abangan si Lianne sa Royal Blood ngayong Hunyo sa GMA Telebabad.
TINGNAN ANG ILANG BEHIND-THE-SCENES PHOTOS NI LIANNE VALENTIN SA ROYAL BLOOD SA GALLERY NA ITO: