
Ibinahagi nina Sanggang-Dikit FR stars Liezel Lopez at Jeffrey Santos kung kailan sila kasangga at kailan sila nakakabangga ng kanilang pamilya.
Sa pagbisita nina Liezel at Jeffrey sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Huwebes, August 14, tinanong ni King of Talk Boy Abunda kung kumusta ang dynamics ng aktor sa kapatid nito at kapwa aktres na si Judy Ann Santos.
Ayon kay Jeffrey, lagi naman silang magkakampi ni Juday. Dahil galing sila sa isang maliit na pamaliya, lagi nilang binabantayan ang isa't isa. Ngunit ang isang naging problema umano niya sa kapatid ay ang pagiging masyadong generous nito, lalo na sa mga pamangkin.
“Masyado siyang spoiler sa mga pamangkin niya so siyempre 'pag Pasko, we have our moments with our kids, and it would come to a time na siyempre, hindi namin kayang tapatan 'yung mga regalo niya,” sabi ni Jeffrey.
Aniya, kinausap naman niya si Juday tungkol dito at naintindihan naman ito ng aktres. Aminado naman si Jeffrey na maganda ang intensyon ng kapatid, at nilinaw na hindi niya ginustong lampasan ang ginagawa nito.
“We're not trying to surpass, just to maintain or just to have that particular lifestyle. For our part, hirap kami. Kaya inaano ko si bunso minsan na du'n lang actually, 'yung pagiging spoiler niya sa mga pamangkin niya,” sabi ni Jeffrey.
Isang problema lang na naaalala niya na nagkaroon sila ay ang pagdidisiplina niya sa kaniyang panganay na anak lalo na at spoiler si Judy Ann, at iba rin ang pagpapalaki ng kanilang Mama Carol.
“'Yung difference nu'ng disiplina na 'yung created little complications du'n sa bata so du'n lang kami medyo nagkabanggaan,” sabi ng aktor.
TINGNAN ANG CELEBRITIES NA NAGKABATI NA MATAPOS ANG KANILANG AWAY SA GALLERY NA ITO:
Samantala, inalala naman ni Boy ang ibinahagi noon ni Liezel na hindi nila pagkakaunawaan ng kaniyang mga magulang. Matatandaan sa April 14 episode ng parehong Afternoon Prime talk show, ibinahagi ng aktres na nagtanim siya ng galit sa kaniyang mga magulang.
Ayon kay Liezel, sa panayam sa kanila ni Jeffrey ngayong August 14, ay kabangga niya ang mga magulang pagdating sa paggawa ng desisyon.
“Kasi sila, 'yung judgment nila is based on them being my parents, and 'yung sa'kin naman, 'yung judgment ko naman po is as an eldest daughter and also as a breadwinner ng family,” paliwanag ni Liezel.
Ngunit pag-amin ng aktres ay magkakampi na sila ngayon ng kaniyang mga magulang sa pag-aayos ng kanilang relasyon sa isa't isa.
“Right now po, actively, we're repairing the relationship so sana po, I'm praying for their healing, too. And I am healing myself, too, para happy na kami, maging happy family na kami,” sabi ng aktres.