
“One thing would be, just be wholehearted about it.”
Iyan ang naging payo ng dating aktres na si LJ Moreno tungkol sa pag-adopt ng anak. Matatandaan na ang unang anak nila ni Jimmy Alapag na si Ian Maximus ay adopted.
Sa online entertainment show na Marites University, nagbigay si LJ ng paalala sa mga aspiring parents na gustong mag-adopt ng kanilang anak. Aniya, hindi sapat na rason sa pag-adopt ang hindi pagkakaroon ng anak ng mag-asawa.
“Kasi paano 'pag nabuntis ka? Parang dapat from the beginning, wholehearted talaga, 'yung walang second thoughts, 'yung talagang alam mo na pantay-pantay even magkaroon kayo ng biological [na anak],” sabi niya.
TINGNAN ANG MGA CELEBRITIES AT KANILANG ADOPTED CHILDREN SA GALLERY NA ITO:
Inalala rin ni LJ ang kanilang pag-adopt sa panganay nilang anak na si Ian. Kuwento niya, umabot ng halos apat na taon bago siya nabuntis kaya't bago 'yun, napagdesisyunan nila ni Jimmy mag-adopt.
Ngunit kuwento niya, “I actually got pregnant three days after nu'ng in-adopt namin si Ian.”
“Three days after namin iuwi si Ian, nalaman ko na buntis ako and nalaman ko na buntis ako kasi nakatulog ako, fight ni Manny Pacquiao,” sabi niya.
Aminado siyang malaking fan siya ng celebrity boxer kaya nagtataka siya kung bakit siya nakatulog. Dahil dito, nagpabili na siya ng pregnancy test kit at dito nila nalaman na buntis siya sa anak nilang si Keona.
Nilinaw naman ni LJ na nang i-adopt nila si Ian ay hindi nila naisip na wala na silang chance na magkaanak pa. Aniya, naisip na lang niya na “If I get pregnant, I get pregnant, if not then, [okay].”
“Parang we really fell in love with Ian talaga and para talaga siyang athlete din siya e, walang difference. Nagugulat nga 'yung ibang tao, especially sa U.S., when they find out na [adopted] siya,” sabi niya.
Kuwento pa ni LJ ay okay naman ang dynamics ni Ian sa mga kapatid niya, ngunit mayroon na rin itong mga tanong tungkol sa kaniyang pinanggalingan.
“Parang sometimes he thinks about how come they gave him up, 'yung mga ganu'n, may mga questions na siya,” sabi niya.
Pagpapatuloy ng aktres, “And then I said, 'Kuya, when there comes a time if you wanna go and look, it's okay, We can look for them.' Pero right now, sabi niya, 'No mom, I don't want to.'”