
Masakit ang paasahin ka ng taong mahal mo, pero mas masakit 'yung malaman mong kasinungalingan lang pala ang lahat, at ang mas malala, niloko ka lang niya para sa pera.
Ito ang kontrobersyal na kuwentong tampok ngayong Sabado sa bagong Wish Ko Lang.
Si Gina Pareño bilang lola na nabiktima ng love scam / Source: Wish Ko Lang
Ang premyadong aktres na si Gina Pareño ang gaganap bilang lola na nabiktima ng love scam. Kasama rin niya sa episode sina Ara Bermudez, Brent Valdez, Mon Confiado at Sue Prado.
Sina Gina Pareño at Aira Bermudez / Source: Wish Ko Lang
Ayon kay Gina, hindi pa niya nasubukang gumamit ng dating app kahit kalian. At sa tingin niya, para sa mga katulad niyang 70 years old na, mas mabuti na sigurong 'wag na lang gumamit nito.
“Siyempre hindi pa. Afraid! Sa edad nating ito, nakakatakot na ang ganyan.
“Maryosep! Hindi na. Takot ako sa ganyan. At saka may pamilya tayo, ibuhos na lang natin sa kanila ang ating oras at pagmamahal”
Ngunit kahit walang balak si Gina na subukan ang mga dating apps o ang pakikipag-chat online, game na game naman siya pagdating sa pagti-TikTok.
Ikinuwento ni Gina sa kanyang 24 Oras interview na nagsimula raw siyang mahumaling sa pagti-TikTok nitong panahon ng pandemya dahil parati lamang siyang nasa kuwarto.
Simula raw nang turuan siya ng kanyang pamangkin ay unti-unti na niyang nakahiligan ang pagti-TikTok.
Tinanong ng GMANetwork.com kung ano ang mensahe ng stars ng "Love Scam" episode para sa mga nanloloko ng tao upang makakuha lang ng pera.
Ayon sa character actress na si Sue Prado, “Hell has a special place for people like them.”
Sina Mon Confiado at Sue Prado / Source: Wish Ko Lang
Saad naman ni Brent Valdez, na siyang gaganap na scammer sa episode, “Darating din ang araw na babalikan kayo ng ginawa niyo. Kung anong itinanim mo ay siya ring aanihin mo.”
Para naman sa dating Sexbomb dancer na si Aira Bermudez, panahon na para itigil ng mga love scammers ang ganitong gawain.
“Magbago na kayo! Haha! Isang napakalaking kasalanan ang manloko lalo na (ang) paglaruan mo ang feelings ng tao para lang makakuha ng pera.
“Dahil hindi nila alam ang pwedeng mangyari or magawa ng niloko nila at naniniwala ako na babalik sa kanila lahat ang masamang ginagawa nila.”
Sang-ayon naman dito ang lead star ng episode na si Gina na nagsabing, “May balik parati 'yan. Hindi naman natutulog ang Diyos. Sisingilin din kayo.”
Si Brent Valdez bilang scammer / Source: Wish Ko Lang
Nagbigay din ng payo si Gina para sa mga pautloy na naghahanap ng kanilang “forever.”
Ani Gina, “Siyempre lahat tayo 'yan ang hinahanap. Sino ba naman hindi gustong maging masaya?
“Pero sa experience ko, hindi talaga 'yan hinahanap. Dumarating 'yan.
“At magugulat ka minsan, ang forever mo pala ay hindi lang sa lalake o babae.
“Puwedeng kaibigan, kapatid, pamilya. O 'di kaya, 'yung mga tao sa paligid natin na mahal tayo.”
Alamin kung paano tutulungan ng Fairy Godmother ng Bayan na si Vicky Morales na mag-move on ang lola na nabiktima ng scammer ngayong Sabado sa bagong Wish Ko Lang, 4 p.m. sa GMA-7.
Matapos na gumanap na lolang nabiktima ng love scam, nais naman ni Gina Pareño na gumanap na lola sa isang upcoming Disney film.