
Dala ng sawa sa isyu ng aktres na si Ara Mina at ng dating karelasyon ni Undersecretary Dave Almarinez na si Rina Navarro, naglabas na rin ng opinyon ang batikang showbiz columnist at talent manager na si Lolit Solis.
Ayon kay Manay Lolit, may mga bagong twists and turns pero puro naman daw anti-climactic ang kuwentong Ara vs Rina. Dagdag pa niya, para raw kasing guwapo at popular na Korean actor na kagaya ni Jo In-sung ang lalaking pinagmulan ng hidwaan ng dating magkaibigan.
Para sa mga hindi nakakakilala kay Rina, isa itong miyembro ng Cinema Evaluation Board at political strategist ni dating MMDA chairman Francis Tolentino. Isa rin itong movie producer. Nakatakda sana siyang ikasal kay Usec. Almarinez na siyang ama ng kanyang six-month-old baby boy nang lumabas ang isyu na may affair ito sa kaibigang si Ara.
Nagsimula ang lahat sa isang blind item patungkol sa isang aktres na nahuli ng malapit na kaibigan nitong may relasyon din sa kanyang fiance sa hindi sinasadyang pagkakataon. Diumano ay ipinahawak ni aktres ang kanyang personal phone sa kaibigan habang nagpe-perfrom sa stage nang makatanggap ito ng message mula sa fiance ng kaibigan.
Noong una ay tikom ang bibig ni Rina na pangalanan kung sino ang kanyang tinutukoy sa kanyang cryptic social media posts ngunit kalaunan ay lumabas din ang pangalan ni Ara.
Samantala, hindi naman naiwasan ni Manay Lolit na ikumpara ang sitwasyon ni Ara sa sitwasyon ng isa pang aktres na si Aiko Melendez na nadadawit din ngayon ang pangalan sa intriga sa pagitan ng current boyfriend nito na si Subic Mayor Jay Khonghun at ng estranged wife nito na si Eloisa Lopez Recella.
Kuwento ni Manay Lolit, nakita raw nito at ng entertainment editor na si Salve Asis si Eloisa sa salon ni Bambbi Fuentes at nakakatuwa raw na very quiet at prim and proper ito. Diumano, "Kahit ano'ng display ang gawin ni Aiko kay Mayor Jay, wala naman naririnig sa tunay na wife. So, bakit iyong Ara at Rina, parang ang ingay, eh hindi pa naman kasal si Rina kay Usec. Dave?"
Sa huli, tila pangkalahatang payo ang ibinigay ni Manay Lolit para sa tahimik na buhay. "Basta dapat kasi, mas mabuti talaga iyon walang sabit para walang gulo. At kung may past, ayos na bago magkarun ng bagong relasyon, para hindi maingay. Ay naku, sayang ang ganda nina Ara at Aiko, dapat tahimik sila at iyon mga Papa nila, kanilang-kanila, walang kaagaw, walang sabit, para tahimik buhay nila."
Basahin ang kabuuan ng post ni Manay Lolit dito.