
Isang malaking pagsubok para kay Lani Misalucha at sa kanyang mister na magkakaroon ng karamdaman sa panahon ng COVID-19.
Na-admit sa intensive care unit (ICU) at nawalan pa ng pandinig sa kanan niyang tainga ang batikang singer dahil sa bacterial meningitis na sanhi ng streptococcus suis.
Halos pagsakluban ng langit at lupa si Lani gawa ng nangyari. Sa kabutihang palad, mabilis naman siyang naka-recover mula sa kanyang karamdaman sa kabila ng pandemya, bagay na ikinahanga ng batikang entertainment writer na si Lolit Solis.
Sambit ng huli sa kanyang Instagram post, "Ang ganda naman ng lesson sa pagkakasakit ni Lani Misalucha...
"Imagine mo na mawalan ka ng pandinig sa isang tenga mo dahil sa infection, at matagal ka sa ICU dahil sa sakit?
"Siguro talagang sobrang nerbiyos ang naramdaman ng mag-asawang Lani at mister niya, parehong nasa ICU sa panahon pa ng COVID-19."
Ang pangambang ma-infect ng COVID-19 ay isa sa mga pinagdaanan ni Lani at kanyang asawa nang ma-ospital kaya naman bilib si Lolit sa katapangan ng dalawa.
Dugtong ni Lolit, "Talaga siguro sa ganitong pagkakataon lalo mo pang tatapangan ang loob mo dahil nga halos kayong dalawa pa ang nasa hospital.
"Buti na lang at gumaling pero iyon na nga nawalan ng pandinig ang isang tenga.
"Isang kakaibang experience na talagang kung mahina loob mo, puwede ka ng bumigay.
"Good na nalagpasan ito ng mag-asawa at ngayon ay mabuti na ang lagay nila.
"Malapit nang bumalik sa trabaho si Lani, at baka naman magbalik din sa dati ang kanyang pandinig."
Pagtatapos ni Lolit, "Careful, Lani, now more than ever alam na natin health is wealth."
Eksklusibong ibinunyag ni Lani ang kondisyon ng kanyang kalusugan sa The Clash Christmas Special: Pasko Para Sa Lahat noong Biyernes, December 25.
Dalawang buwang nawala sa The Clash Season 3 bilang hurado si Lani matapos ang pakikipaglaban niya sa kanyang karamdaman.