
Emosyonal na ibinahagi ng veteran entertainment columnist at host na si Manay Lolit Solis ang naging pag-uusap nila ng seasoned actress na si Caridad Sanchez.
Pumutok ang balita na na-diagnose ng sakit na dementia ang magaling na aktres matapos ito kumpirmahin ng anak niya na si Cathy Babao sa kanyang blog na 'Still Mom'.
Ngunit matapos ang ilang araw, naglabas naman ng sariling statement si Alexander Babao para pabulaanan ang mga sinabi ng kanyang kapatid na si Cathy.
Samantala, sa new post ni Lolit sa Instagram ngayong araw, October 7, ibinahagi niya ang naging pag-uusap nila ni Caridad na naging malaking bahagi ng kanyang buhay.
Sinabi ng former Startalk host sa dati niyang post na naging support system niya ang aktres, matapos ang 1994 Manila Film Festival scam na itinuturing niyang “darkest moment” sa kanyang buhay.
Mararamdaman sa post ni Manay Lolit na overwhelming na muling makausap ang kanyang kaibigan matapos ang ilang taon.
Saad niya, “Thank you Salve, Gorgy at Mario Dumaual for helping me na makausap si Caridad Sanchez. Ewan ko pero habang nag-uusap kami sa telepono, at masaya akong marinig ang boses niya na sounding strong and happy, tumutulo ang luha ko.
“Parang overwhelming feeling ang nadama ko, nagkaroon ako ng lump sa throat, at basta tuloy-tuloy ang tulo ng iyak ko.”
Humingi din ng paumanhin ang entertainment columnist na nawala ang kanilang komunikasyon sa isa't isa.
Aniya, “Ganuon pala iyon feeling na makausap mo uli ang isang tao na naging importante sa buhay mo. Sinabi ko na SORRY for losing touch, kasi nga mula ng namatay si Rudy Fernandez iniwasan ko ng pumunta ng White Plains dahil nalulungkot ako na maalala siya.
“Sinabi ko rin na iginalang ko iyon hindi na niya pagtawag at inakala ko na gusto niya lang ng privacy," sabi ni Lolit.
Dagdag niya, “Nagpasalamat ako na dahil sa kanya natuto akong magmahal ng aso, at ngayon ang dami kong alaga. Tinanong ko kung puwede ba siya dalawin para madalhan ko kung ano ang gusto niyang pagkain. Sumasagot siya, tumatawa kung minsan, nagtatanong, Ok ang boses niya, maganda ang flow ng conversation namin, at sabi ko nga she sounded healthy and happy.”
Tila nabunutan naman ng tinik ang former showbiz talk show host na malaman na maayos pa rin ang lagay ni Caridad Sanchez.
Pagpapatuloy nito, “I was very happy, basta alam ko, Ok ang physical condition niya, at puwede pa siya makipag-usap.
“My dear Tita Caridad, stay safe, stay strong, and stay HAPPY. Thank you sa mga anak niya na nag aalaga sa kanya, thank you kay AJ na kasama niya sa bahay, at kay Cathy na mahal na mahal din ang mother nila.
“Thank you God for giving me a chance to know and meet a Caridad Sanchez in my life. Thank you.”
Nakasama sa ilang malalaking TV projects ng Kapuso Network si Caridad noon, tulad ng Darna (2005), MariMar (2007) at One True Love (2012) na pinagbidahan ni Asia's Multimedia star Alden Richards.
Kinilala din ang husay niyang bilang aktres nang manalo siya ng Best Supporting Actress sa FAMAS para pelikula niya na Maalaala Mo Kaya: The Movie (1994) at Bagong Buwan (2001).