
Kung sa TV ay hindi mapigil ang mga pasaring at away sa pagitan nina Georgia at Manang Loleng, malapit naman behind the camera ang Ika-6 Na Utos co-stars na sina Ryza Cenon at Odette Khan. Sa katunayan, pinarangalan pa ni Odette ang nakababatang Kapuso actress.
Ibinahagi ni Ryza ang kanyang ‘Best Actress’ award mula kay Odette. Nakasulat din sa likod nito ang isang dedikasyon para sa kanya.
Aniya, “Nakakataba ng puso dahil nakakuha ako ng parangal galing kay Ms. Odette ‘Manang Loleng’ Khan.”
Dagdag pa niya, ang beteranang aktres ang tumutulong sa kanya magkaroon ng kumpyansa sa pag-arte.
Mensahe niya para kay Odette, “Nay, maraming salamat po sa paniniwala sa kakayahan ko. Kahit noong nagsisimula pa lang tayo, sinabihan mo na ako na kaya ko at hanggang ngayon sinasabihan mo pa rin ako na tama ang ginagawa kong pagganap kay Georgia.”
“Maraming salamat sa oras na ginuguol niyo para sa parangal na ‘to. Mahal kita at isa kang inspirasyon ko. Maraming maraming salamat Nay Odette,” patuloy niya.