
Matapos ang kaniyang kasal, nagbahagi ng nakakaiyak na social media post si Lotlot de Leon tungkol sa kaniyang ina na si Superstar Nora Aunor.
Kuwento ni Lotlot sa Instagram, “Maraming beses ko pinag-isipan kung dapat pa ba akong magsalita tungkol sa mga personal na nangyayari sa amin ng mommy ko.”
Ikinuwento rin ni Lotlot ang kaniyang mga alaala noong siya ay bata pa at kasama ang ina at lola.
“Naisip ko na siguro dapat hindi na dahil may masabi man ako na maganda ay hahanapan pa din ako ng pagkakamali pero naisip ko na hindi ko naman ito ginagawa para sa iba kung 'di para sa akin at sa aking ina.”
“Maaga ko nalaman na ampon ako, "ampon ni nora" yan ang madalas ko naririnig noon. Utang na loob ko ang buong buhay ko sa kanila ni lola. Sa mga hindi nakakaalam, ang tumanggap sa akin ay ang lola ko…siya ang dahilan kung bakit napunta ako sa kanila. Tinanggap nila ako nang buong puso. Nang magkakilala sina mommy at daddy, inako ako ng daddy ko at ginawang De Leon.”
Nabanggit din ni Lotlot kung paano siya pinalaki ng kaniyang adoptive parents na sina Nora Aunor at aktor na si Christopher de Leon.
Lotlot de Leon to her Daddy Christopher: "I will always be grateful"
“Ang mommy ko ang bread winner sa pamilya na nagsumikap na iahon lahat ng mahal niya sa buhay. Nakasanayan naming magkakapatid na lagi siyang nagtatrabaho.”
“My mom has been through a lot in her life. Nakita ko at witness ako sa lahat ng pinagdaanan nya. Matibay sya. Kahit kailan hindi nya ipinakita sa aming magkakapatid na nawalan sya ng pag-asa sa buhay kahit alam namin na nasasaktan siya. She is the most generous person I know.”
Dagdag ni Lotlot, “Pagdating sa relasyon namin sa kanya. Mommy siya. She tried her best to do her duties as a present mom. Nung nagkapamilya ako tsaka ko lang naintindihan ang mga payo at sakripisyo na ginawa din niya.”
Ibinahagi rin ni Lotlot na mahal na mahal sila ng kaniyang ina at mahal din niya ito at ng kaniyang mga kapatid.
“May mga bagay na mahirap ipaliwanag pero sa isang parte lang ako sigurado. Mahal ko siya at alam ko mahal nya din ako kami ng mga kapatid ko. At kahit ano pa sabihin ng kung sino kami ang magkapamilya, kami ng mga kapatid ko at siya, at walang sino man ang makapagbabago doon.”
Nitong December 18, 2018 ay ikinasal si Lotlot sa kaniyang partner na si Fadi El Soury.
IN PHOTOS: Lotlot De Leon's wedding to Fadi El Soury