
Proud na ibinahagi ng seasoned actress na si Lotlot De Leon na wala siyang naging ka-double sa kaniyang role bilang si Alice sa 2004 hit horror film na Feng Shui.
Sa pagsalang ni Lotlot sa isang one-on-one interview sa Fast Talk with Boy Abunda, isa sa mga itinanong sa kaniya ng batikang host na si Boy Abunda ay kung ano ang role na talagang nahirapan siya.
Ayon naman sa aktres, ang pinakamahirap niyang ginampanan ay ang kaniyang karakter na si Alice sa pelikulang Feng Shui na pinagbidahan ni Kris Aquino.
“I think siguro po yung sa Feng Shui, kasi hindi ko po ine-expect na ako 'yung patatalunin ni Direk Chito [Roño] sa bintana,” ani Lotlot.
Kuwento niya, hindi niya inasahan na sa kaniya ipagagawa ng direktor na si Chito ang mga mahihirap na stunts dahil mayroon naman siyang ka-double noon.
Aniya, “May double ako, so I was expecting na 'yung double ko ang gagawa nung mga eksena na mabibigat kagaya nung pagsampa sa bintana, at pagkalaglag sa bintana.”
“So I was happily watching Direk Chito explain to Kuya Archie Adamos and to my double 'yung stunts, so tuwang-tuwa ako sabi ko, 'Ang ganda, ang galing galing naman,' sabi ni Direk Chito, 'Lot, nakita mo 'yon?, 'Opo, ang galing-galing,' sabi niya, 'Gawin mo.'
Sabi ko, 'Ha? Alin po doon?' [sabi niya], 'Lahat,'” natatawang inalala ni Lotlot.
Paglilinaw naman ni Lotlot, matagumpay niyang nagawa ang mga stunts dahil naging safe ang production habang kinukunan ito.
“But when that happened, Tito Boy, I knew I was in safe hands because everyone in the set is really taking care of me. Kasi lahat po ng mga eksenang pinagawa sa akin talagang ako po talaga lahat 'yun, hindi ko rin po akalain na kaya ko rin palang maging stuntwoman,” pagbabahagi pa ni Lotlot.
Sa ngayon ay mapapanood si Lotlot sa GMA Primetime Series na The Write One.
Para naman sa iba pang maiinit na showbiz balita, tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda, Lunes hanggang Biyernes, 4:45 p.m. sa loob ng 20 minuto sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.
KILALANIN ANG PITONG LALAKI SA BUHAY NI LOTLOT DE LEON SA GALLERY NA ITO: