
Simula ngayong Lunes (March 6), mapapanood na tuwing umaga ang bagong Lakorn ng GMA, ang Love Revolution, na pinagbibidahan ng mahuhusay na Thai stars na sina Esther Supreeleela at Son Yuke Songpaisan.
Makakasama rin nila sa naturang serye sina Boy Chokchai Boonworametee bilang Xander, Group Sasinrat Anusin bilang Lin, at Arm Sukavin Keawpikul bilang Jack.
Magsisimula ang kuwento ng Love Revolution sa dalawang taong napilitang magpalit ng kanilang pagkakakilanlan dahil sa mga hirap na pinagdaanan noong kabataan nila.
Si Nica (Esther Supreeleela) ay isang ulilang kinupkop ng mayamang pamilya ngunit hiniling ng mga ito na mabuhay siya bilang Nick, ang pangalan ng kanilang yumaong anak na lalaki na magiging tagapagmana ng Bacayagam Group.
Samantala, nagpalit din ng pagkakakilanlan si Ardy (Son Yuke Songpaisan), ang kaibigan ni Nica sa bahay ampunan, bilang Seifer dahil sa takot na siya ay patayin ng taong pumatay sa kanyang ina noon.
Makatatanggap naman sina Seifer at ang mga kaibigan niya sa bahay ampunan na sina Xander, Lin, at Jack ng scholarship mula sa Bacayagam Group. Matapos ang kanilang pag-aaral ay magsisimula silang magtrabaho sa kumpanya sa ilalim ng pamumuno ni Nick.
Mananatili kaya silang tapat kay Nick sa gitna ng mga pagsubok sa kumpanya? Ano ang mangyayari sa muling pagkikita nina Nick at Seifer?
Posible kayang may mabuong pag-iibigan sa pagitan ng dalawa? Sama-sama tayong tumutok sa Love Revolution, Lunes hanggang Biyernes, 9:00 a.m., sa GMA.