Article Inside Page
Showbiz News
Taiwan's No. 1 TV series of 2014 is coming your way. Watch 'Fall In Love With Me,' malapit na sa GMA.
By MARAH RUIZ

Sa mundo ng advertising, lahat ay makulay, maganda, makinang. Pero paano kung mapaglarong ilusyon lang pala ang lahat ng ito? At paano kung ganoon din sa mga taong nakakasalamuha mo?
Tingnan natin si Cedric, ang young and handsome CEO ng megacorporation na Tian Xing Advertising. Hindi lang sa pisikal na anyo siya nabiyayaan, dahil talagang talented at successful siya sa industriyang pinili niya. Kaso, mukhang sa ugali binawian si Cedric dahil sadya siyang mayabang at mapangmaliit.
Ihambing natin siya kay AJ na talagang kabaligtaran niya. Sweet, caring, simple at medyo mahiyain si AJ. Ang tanging pagkakapareho lang nila ay ang sipag at galing nila sa trabaho.
Pero narito ang isang pasabog - si Cedric at si AJ ay iisa!
Nagsawa kasi sa mundo ng advertising si Cedric, kaya sa paghahanap niya ng inspirasyon magta-transform siya sa katauhan ni AJ at maswerte pang makakahanap ng trabaho sa isang maliit na kumpanyang OZ Advertising.
Dito niya lubos na makikilala si Thea, ang may-ari ng OZ Advertising na lagi niyang minamaliit at pinapahiya noon. Mahuhulog naman ang loob ni Thea kay AJ dahil sa bait at sipag nito.
Paano kaya tatanggapin ni Thea ang panlilinlang ni Cedric? Paano kung ang kalaban mo at ang minamahal mo ay iisa lang?
Tampok sa Fall In Love With Me si Aaron Yan ng popular Taiwanese pop boy band Fahrenheit bilang Cedric at ?ang ?alter ego niyang si AJ. Katambal naman niya si Tia Lee na kabilang din sa pop girl band na Dream Girls.
Ang Fall In Love With Me ang nangungunang serye noong 2014 sa Taiwan. Umani din ito ng maraming mga nominations at awards sa 2014 Sanlih Drama Awards. Kabilang na dito ang Viewers Choice Drama Award, pati na din ang Best Actor at Weibo Popularity Award para sa leading man na si Aaron Yan.