
Isang fantasy drama series ang hatid ng GMA The Heart of Asia na tiyak na magbibigay kilig at kahuhumalingan ng mga manonood, ang Lovers of the Red Sky.
Ang cast ng naturang programa ay binubuo ng stellar at award-winning Korean actors na sina Kim You-jung bilang Hong Cheon-gi, Kwak Si-yang bilang Grand Prince Juhyang, Gong Myung as Grand Prince Yangmyeong, at Ahn Hyo-seop bilang Ha Ram.
Bago pa mabilanggo ang Ma Wang, nagbigay ito ng sumpa at naghirap ang buong kaharian dahil sa tagtuyot at taggutom ng maraming taon. Makikilala ni Hong Cheon-gi, na isinilang na bulag, si Ha Ram, ang batang lalaki na nakatakdang maging sakripisyo para sa isang rainmaking ritual.
Nang aksidenteng napakawalan ang Ma Wang, sumanib ito sa katawan ni Ha Ram. Dahil sa nangyari, kinuha ang paningin ni Ha Ram at ibinigay ito kay Cheon-gi, na sa kauna-unahang pagkakataon ay nakakita.
Paano kaya haharapin nina Ha Ram at Hong Cheon-gi, ang kinakailangan na divine painter, ang kanilang kapalaran para mahuli at tuluyan nang maikulong ang Ma Wang?
Abangan ang premiere ng Lovers of the Red Sky simula May 25 sa GMA.