
Ibinalita ng batikang TV host na si Boy Abunda sa kanyang programa na Fast Talk with Boy Abunda ngayong Huwebes, August 10, ang pagkakaabsuwelto ng host-actor na si Luis Manzano sa kasong syndicated estafa.
Ayon kay Boy, nakausap nila mismo ang ina ni Luis na si Star for all Seasons na si Vilma Santos-Recto at sinabi nito na, “She is feeling 'heaven' at nagpapasalamat siya sa Diyos sa pagkaka-absuwelto ni Luis.”
Sa “Today's Talk” segment ng programa, binasa ni Boy ang kanyang news report tungkol kay Luis.
Aniya, “Ipinagpapasalamat po ni Miss Vilma Santos-Recto ang pagkakaabsuwelto ni Luis Manzano sa kasong syndicated estafa kaugnay ng alleged investment scam na kinasangkutan Flex Fuel Petroleum Corporation.”
Base sa balitang binasa ni Boy, si Luis ay dating owner at chairman ng Flex Fuel Petroleum Corporation.
Pagbabalita pa ni Boy, “Matatandaan na naghain ng reklamong syndicated estafa ang mahigit isang daang investors ng Flex Fuel sa National Bureau of Investigation.”
“Ayon sa mga nagreklamo, inengganyo 'di umano sila ng Flex Fuel na mag-invest ng at least PhP990,000 in exchange of co-owning a gas station pero wala raw bumalik na pera mula sa investment nila.”
Paglalahad pa ng TV host, “Ayon sa imbestigasyon ng NBI, walang kinalaman si Luis sa alleged investment scam dahil nag-resign na ito mula sa Flex Fuel noong 2021, ang taon kung kailan nag-invest ang mga nagrereklamong investors kaya hindi sinama ng NBI si Luis sa labindalawang officers ng Flex Fuel na pormal nilang sinampahan ng kasong syndicated estafa.”
Dugtong pa nito, “Nauna nang maghain ng sariling reklamo si Luis laban sa Flex Fuel dahil aniya pati siya ay nawalan ng PhP66 million na investment.”
Pebrero ngayong taon nang lumbas ang alegasyon tungkol sa pagkakadawit ni Luis sa naturang alleged investment scam kasama ang Flex Fuel Petroleum Corporation.
Patuloy naman na tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda pagkatapos ng The Seed of Love sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.