
Inamin ng comedian-actress at host na si Maey Bautista ang tunay na relasyon nila ng kapwa komedyante at host na si Betong Sumaya.
Sa September 22 episode ng Fast Talk with Boy Abunda, masayang nakipagkuwentuhan si Maey kasama ang kanyang Unbreak My Heart co-star na si Nikki Valdez sa batikang TV host na si Boy Abunda.
Sa kanilang kumustahan, agad na bumungad kay Maey ang tanong ni Boy kaugnay si Betong.
Tanong ni Boy kay Maey, “Ang akala ko talaga nagmahalan kayo ni Betong. Diretsahang tanong, oo o hindi, naging kayo nga ba ni Betong?”
Agad naman din itong sinagot ni Maey, “Diretso na po talaga, hindi po.”
KILALANIN SI BETONG SUMAYA SA GALLERY NA ITO:
Sa pagpapatuloy ng kanilang kuwentuhan, muling nagtanong si Boy kay Maey. Aniya, “In another life, would you marry him (Betong)?
“Yeah. Why not?” tugon naman ni Maey.
Paliwanag niya, “Sobrang galing niya sa lahat ng aspeto, sa comedy, sa pagho-host. Isa siya sa mga nagturo sa akin kung papaano mag-host.”
“So ano ang itinuro niya sa'yo sa pag-ho-host?” pag-uusisa naman ni Boy.
“Kung papaano maging isang effective na host,” ani Maey.
Pero binawi naman ng comedian-actress ang kanyang sagot nang hingan siya ng sample ni Boy ng hosting.
“Sample? Wala naman ho ata siyang naituro wag na po natin i-ano. Parang kalimutan na natin,” natatawang sinabi ni Maey.
Naging partners sina Maey at Betong sa programang Survivor Philippines: Celebrity Doubles Showdown ng GMA noong 2011.
Si Maey ay kasalukuyang napapanood sa GMA, ABS-CBN, at Viu Philippines collaboration series na Unbreak My Heart na pinagbibidahan nina Richard Yap, Jodi Sta. Maria, Gabbi Garcia, at Joshua Garcia.
Samantala, mapapanood naman si Betong bilang sa isa sa mainstay hosts ng premiere noontime show ng bansa na Eat Bulaga sa GMA.
Patuloy naman na tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.