
Muli nang makakapanood ng Koreanovela sa umaga sa family drama series na Marriage Contract.
Problemado ang biyuda at single mom na si Abby (Uee) dahil wala na nga siyang katuwang sa pagpapalaki sa kanyang anak na si Tintin (Shin Rinah), hinahabol pa siya ng mga loan sharks para singilin ang utang ng kanyang yumaong asawa.
Bukod dito, malalaman pa niyang mayroon siyang tumor sa utak na kailangang magamot kaagad.
Makakakita siya ng oportunidad sa kanyang mayamang boss na si David (Lee Seojin). Desperado kasi itong naghahanap ng liver donor para sa kanyang ina at handa siyang gawin ang lahat, makahanap lang ng donor.
Nahihirapan si David dahil sa striktong patakaran ng South Korea kung saan miyembro lang ng pamilya ang maaaring maging organ donor ng isang pasyente.
Magpiprisinta si Abby na maging organ donor ng nanay ni David kapalit ng sapat na pera para sa kinabukasan ni Tintin. Pero bago ito, kailangan muna nilang maging isang pamilya sa pamamagitan ng pagpapakasal.
Maging tulay kaya ang pekeng kasal at ang pekeng pagsasama sa pagkakaroon ng tunay na pamilya?
Abangan ito sa Marriage Contract, simula September 17, Lunes hanggang Biyernes, pagkatapos ng The Fox Fairy sa GMA Heart of Asia.