What's Hot

Magkapatid, nagpakalbo para samahan ang inang lumalaban sa cancer

By Kristine Kang
Published March 19, 2026 3:53 PM PHT

Around GMA

Around GMA

Negosyanteng sakay ng pickup, patay sa pamamaril ng riding-in-tandem sa Zamboanga City
GMA Pinoy TV Program Schedule
2 festivals cancelled due to rising fuel prices

Article Inside Page


Showbiz News

Kat, Lynne, Arel Luzong


Alamin ang nakakaantig na kuwento nina Arel, Kat at ang kanilang ina na si Lynne Luzong, dito.

Bawat pagsubok ay may dalang mabigat na hamon sa buhay. Ngunit kapag sama-samang hinaharap ng pamilya, nagiging mas matatag ang bawat isa.

Ito ang pinatunayan ng Luzong family nang ibinahagi nila ang kanilang nakakaantig na kuwento tungkol sa kanilang ina na si Lynne.

Sa kanilang viral videos, ipinakita ng magkapatid na sina Arel at Kat ang laban ng kanilang ina na kasalukuyang humaharap sa stage IV colon cancer.

Isa sa mga hamong ito ay ang pagkalagas ng kanyang buhok dulot ng gamutan, na humantong sa desisyon niyang ipaahit na lamang ito.

Ngunit ang simpleng desisyong ito ay nauwi sa isang nakakaantig na paalala ng pagmamahal ng kanyang mga anak.

Habang nakaupo si Nanay Lynne sa salon at dahan-dahang inaahit ang kanyang buhok, isang hindi inaasahang eksena ang sumunod.

Biglang kumuha ng shaver si Arel at sinimulan ding ahitin ang sarili niyang buhok. Hindi nagtagal, sumunod din ang kanyang babaeng kapatid na si Kat.

Hindi napigilan ni Nanay Lynne ang kanyang emosyon habang pinapanood ang dalawa, lubos na nadama ang suporta at pagmamahal ng kanyang mga anak.

"Lalaban tayo mommy! Mahal na mahal kita!," ani Arel sa captions.

Sinamahan pa siya ng kanyang mga anak sa isang photo studio upang ipakita at ipagmalaki ang kanilang bagong hitsura.

@arelluzong lalaban tayo mommy! mahal na mahal kita! @lynneluzong ♬ original sound - arel
@arelluzong

a journey of strength worth remembering 🥹📸

♬ original sound - ℬ


Sa isang panayam sa "Unang Balita," nagbahagi naman si Nanay Lynne ng isang mensahe para sa mga pasyente na humaharap sa takot at pag-aalala.

"Kung sino po man 'yung meron may sakit, huwag n'yo pong itago. Mas masarap pa lang may nakakaalam kasi marami talagang nagmamahal at lumalaban para sa 'yo. Bigyan din po ng time at way 'yung mga mahal natin sa buhay na ipadama sa atin kung gaano nila tayo kamahal," aniya.

Sa ngayon, umani kaagad ng mahigit 8 million views ang TikTok videos ng Luzong family.

Dumagsa rin ang mga nakakaantig na mensahe mula sa mga fans online. Karamihan, labis din ang suporta at pagmamahal para sa pamilya.

Samantala, silipin ang ilang inspiring celebrities na cancer survivors, dito: