
Ipinagdiriwang ng real-life drama anthology na Magpakailanman ang ika-22 anibersaryo nito ngayong 2024.
Bilang pagdiriwang ng panibagong milestone na ito, tatlong special anniversary episodes na inihanda ng programa.
Sa November 30, tunghayan ang episode na pinamagatang "My Very Special Son: The Candy Pangilinan Story."
Matapang na ibinahagi ng comedienne na si Candy Pangilinan ang kuwento niya at ng kanyang anak na si Quentin.
Bilang solo parent at working mom, mag-isa niyang pinalaki si Quentin na na-diagnose ng attention deficit hyperactivity disorder (ADHD) at nasa autism spectrum.
Espesyal ang episode para kay Candy dahil siya mismo ang gaganap sa kanyang sarili.
Makakasama niya sa episode sina Euwenn Mikaell at Will Ashley na parehong gaganap kay Quentin sa magkakaibang bahagi ng buhay nito. Kasama rin sa episode sina Shyr Valdez at Sandy Andolong.
Pagbibidahan naman ni actress, singer, host, and comedienne Aiai delas Alas ang two-part episode na "My Nanay Rider: The Ma. Theresa Mayuga Story" sa December 7 at “Adventures of Nanay Rider: The Ma. Theresa Mayuga Story sa December 14.
Kuwento ito ng isang ina na magiging breadwinner ng kanilang pamilya sa pamamagitan ng pagtatrabaho bilang isang rider.
Haharapin niya ang diskriminasyon at iba pang peligro sa trabaho na itinuturing na panlalaki lamang para maitaguyod ang anak at inang maysakit.
Makakasama ni Aiai sa two-part episode na ito sina Kelvin Miranda, Leandro Baldemor, Lui Manansala.
Sa loob ng 22 taon, walang patid ang Magpakailanman sa paghahatid ng mga totoong kuwentong maipagmamalaki, magpakailanman.
Panoorin ang 22nd anniversary specials ng Magpakailanman sa November 30, December 7, at December 14, 8:15 p.m. sa GMA.
Maaari rin itong mapanood online sa Kapuso Stream.