
Naniniwala ka ba sa tinatawag na Deja vu? E, sa past life?
Lahat ng ‘yan ay bibigyang paliwanag ngayong Sabado sa isang extraordinary love story na handog sa inyo ng Magpakailanman! Paano nga ba kung si past ay manggulo kay present?
Kuwento ito ni Jade – isang tour guide sa Intramuros na biniyayaan ng kakayahan para makakita ng mga multo at ibang elemento. Problemado siya noon sa pagsasama nila ng asawa niyang si Ronald. Pero lalo pa itong magugulo dahil sa isang multo!
Isang multo kasi ng isang sundalong Amerikano ang gumugulo kay Jade sa tuwing nagtu-tour siya sa Intramuros. Tumindi pa ang pangungulit dahil kahit sa panaginip niya ay nagpapakita na din ito. Dahil dito, humingi na ng tulong si Jade sa kaibigan niya na bihasa sa pagsasagawa ng tinatawag na past life regression o ang pagtanaw sa nakaraang buhay. Nang maisagawa ito, hindi makapaniwala si Jade na napakalaki pala ang koneksyon niya noong nakaraang buhay niya sa multong nagpapakita sa kanya ngayong kasalukuyan! Nalaman niyang Lt. Scott Daniel ang pangalan nito at kasintahan niya pala ito sa kanyang past life!
Pero ano kayang magiging epekto sa present ng natuklasan ni Jade from her past? Bibigyan niya na kaya ng closure ang kanyang past o muling magbabalik ang pag-ibig niya sa multo na ngayon na si Scott?
Abangan sina Diana Zubiri, Vaness Del Moral at Fabio Ide sa isang kakaibang love story na magpapatunay na love moves in mysterious ways talaga! Makakasama din nila sa episode sina Neil Ryan Sese, Maey Bautista at Kiel Rodriguez.
Ang “A Ghost from My Past: The Jade Martin Story” ay sa ilalim ng direksyon ni Adolf Alix, mula sa panulat ni Vienuel Ello at pananaliksik ni Loi Argel Nova. Mapapanood ngayong Sabado, sa programang nagpapakita ng tunay na kuwento ng mga totoong tao, Magpakailanman, pagkatapos ng Pepito Manaloto.