“Maswerte pa rin ako dahil may pamilya akong sumusuporta at nagmamahal sa akin sa kabila ng aking sakit. Kahit ganito lang ako ay masaya na akong naigagalaw ko kahit paano ang aking ulo, kamay at paa. Masaya rin ako na binigyan ako ng Diyos ng galing sa pagguhit para gamitin ko at maipakita sa lahat na mahal tayo ng Diyos” – Erwin Dayrit
Biyaya o gift of God ang turing ng pamilya kay Erwin, para kasi sa kanila kahit mahirap ang buhay ay masaya sila na nadagdagan na naman ang myembro ng kanilang pamilya. Ipinanganak na normal katulad ng ibang bata si Erwin. Malusog, malikot, malakas kumain at masigla.
Sa pagdating ng kanyang unang kaarawan, isang masayang birthday party ang ibinigay ng mga magulang para sa bunsong anak.
Pero little did they know na 2 months after ng selebrasyon ay tatamaan ng isang di pangkaraniwang sakit ang bata.
Eksaktong 14 months na si Erwin ng misteryosong nabali ang buto sa isa sa kanyang mga binti. Takang taka ang kanyang mga magulang at nakatatandang mga kapatid dahil bago pa lamang naglalakad ang bata kaya imposibleng mabali ang buto nito. Ipinasemento o cast nila ang paa ni Erwin pero after lang ng ilang linggo ay nabali na naman ang isa pang binti ng bata. Bagay na labis na ikinabahala ng buong pamilya lalo ng ang mga nakatatandang kapatid ni Erwin.
Kung saan-saang ospital at doctor sila nagpatingin para ipagamot ang sakit ni Erwin pero walang makapagsabi kung ano talaga ang kondisyon ng kanyang katawan. Napansin din nila na ng tinanggal na ang cast ni Erwin ay parang hindi na nagheal ang bones nito, parang naging “luno” o malambot na yung part ng leg na nabali.
After nito ay ilang beses pang nagkaroon ng mga misteryosong bali sa katawan si Erwin kayat labis ng nabahala ang buong pamilya, pati sa mga albularyo at faith healers ay kumunsulta na rin sila pero wala pa ring makapagpagaling sa kanya.
May isang manggagamot pa na nagsabi na mapalad si Erwin kung aabot pa ito sa kanyang ika 7th na kaarawan, bagay na ikinadismaya ng kanyang ina, nawalan siya ng tiwala mula noon sa mga manggagamot, ipinapasa Diyos na lang niya ang kalagayan ng anak.
Sa Philippine Orthopedic Hospital nila natuklasan kung ano ang kondisyon ng anak, “OSTEOGENESIS IMPERFECTA”, isang sakit na taglay na ng bata mula sa pagkapanganak kung saan habang tumatanda ang bata ay humihina at rumurupok ang mga buto nito hanggang sa puntong magiging halos gulay na ito kapag naubos na ang bones sa kanyang katawan.
Hindi rin nagdevelop ang kanyang pelvic bones kaya never niyang naranasan mula ng magkasakit ang makaupo, lagi lang siyang nakahiga.
Sa kabila ng kanyang napakahirap na sakit, never na nagpakita si Erwin ng pagiging irritable at masungit na katulad ng mga nakikita sa mga taong may incurable na sakit, tahimik lang daw itong lumuluha kapag may masakit sa katawan niya kahit na noong maliit pa ito.
Likas na masayahin at positibo ang outlook sa buhay ng bata. May isang instance daw noong 10 years old na siya ay nag-suggest ang isa sa mga doctor niya na putulin na lang ang dalawang paa niya at palitan na lang ng artificial na paa pero hindi siya pumayag, umiiyak niyang sinabi sa ina at ama na kung iyon umano ang ibinigay ng Diyos sa kanya ay maluwag niya itong tatanggapin.
Dahil sa hindi siya itinago at ikinahiya ng pamilya, madaling naovercome ni Erwin ang insecurity na kakambal ng kanyang kondisyon. Marunong siyang makiharap sa mga tao at masipag mag-aral. Nakapagtapos siya ng kolehiyo at nadiskubre nilang may talento siya sa pagpipinta at pagguhit
Matiyaga siyang inihahatid ng ama at ina at mga kapatid sa eskwelahan dahil nakita nilang pursigido si Erwin na matapos ang pagaaral. Nakawheelchair siya palagi.
Pagguhit ang naging libangan ni Erwin at labis itong ikinagulat ng pamilya niya dahil parang gawa ng mga mga professional painters ang nabubuo niya.
Nang lumaon ay lalong gumaling sa pagguhit si Erwin. Sa pagreresearch din sa internet nakahanap siya ng medium na pwede niyang magamit dahil mahal ang pagbili ng mga pintura. Kapos sila sa pera. Sinubukan niyang gamitin ang ballpen para sa kanyang mga obra. Amazingly ay mas maganda pa ang nagawa niya.
Nang lumaon ay nabebenta na niya ang mga obra at kahit paano ay nakakatulong na siya sa pamilya. Ilang exhibition na rin ang napuntahan niya kung saan nabili lahat ang mga ginuhit niya. Naaamaze ang mga nakakakita sa kanya dahil hindi sila makapaniwala na ang katulad niya ang makagagawa ng ganuong klaseng obra.
Ngayong Sabado, March 18, 2017, sama-sama nating tunghayan ang totoong kwento ng pakikipagsapalaran at pakikipaglaban sa kabila ng kapansanan, ”ABOT KAMAY ANG PANGARAP: THE ERWIN DAYRIT STORY.”
Sa natatanging pagganap nina Gary Estrada as Romeo, Ana Capri as Eliza, Aicelle Santos as Judith, David Remo as Young Erwin, Jazz Ocampo as Helen, Rob Moya as Ryan, Liezl Lopez as Mindy, Sofia Pablo as Young Judith, Lance Serrano as Roy. With The Special Participation of Erwin Dayrit as Himself .
Sa Direksyon ni Gil Tejada Jr, sa panulat ni Patrick Ilagan at pananaliksik ni Rodney Junio.