
Totoo nga ba ang kasabihang “a dog is a man’s best friend?” Paano nga ba natulungan ng isang aso ang kanyang amo na harapin ang mga pagsubok ng buhay?
Ngayong Sabado, panoorin natin ang kuwento nina Eddie Boy Redoloza at ng aso n’yang si Black Jack – ang best of friends na naging viral at sikat na sikat ngayon sa internet!
Bata pa lang si Eddie Boy nang mahiwalay s’ya sa kanyang tatay na si Sergio.
Binitbit s’ya ng kanyang ina na si Emmie sa Isabela at doon ay ipinaampon na wala man lang paalam kay Sergio. Hindi alam ng kanyang tatay kung paano s’ya hahanapin. Hanggang sa isang araw, tinulungan ng batikang dokumentarista na si Howie Severino si Sergio na mahanap si Eddie Boy.
Masayang-masaya naman ang mag-ama nang sila ay muling magkapiling. Pinag-aral si Eddie Boy ni Sergio. Ang tanging trabaho ni Sergio ay ang pagtuturo ng mga kakaibang tricks sa mga asong sina Habagat at Bagwis.
Nagpapakitang-gilas sila sa mga kalsada at mga malls. Madalas na kasama si Eddie Boy sa mga dog show. S’ya na rin ang assistant ni Sergio.
Pagkalipas ng ilang taon, magkasunod na namatay sina Habagat at Bagwis. Nalungkot sina Eddie Boy at Sergio dahil pamilya na rin nila kung ituring ang dalawang aso. Pero nagbago ang lahat sa buhay ni Eddie Boy nang matagpuan n’ya ang asong si Black Jack.
Inampon n’ya ito, inalagaan at minahal. Gaya ng kanyang ama, tinuruan n’ya rin ito ng mga tricks.
Nagpasya rin si Eddie Boy na s’ya na ang magpapatuloy sa mga dog show na simulan ni Sergio. Ito ay para makatulong din s’ya sa pamilya at makapag-aral ulit.
Laging nagpapakita ng dog tricks sina Eddie Boy at Black Jack sa tabi ng istasyon ng tren o kaya sa mga mall. Dahil sa galing ni Black Jack, marami ang natutuwa sa kanila ni Eddie Boy. Kinunan din sila ng videos at pinost pa sa social media sites.
Di nagtagal, sumikat sina Eddie Boy at Black Jack. Pero sa kabila ng kasikatang tinatamasa, paano nga ba hinaharap ng magbestfriend ang hamon ng buhay ngayong sakitin na si Sergio? Paano rin kung malaman ni Eddie Boy na meron pa pala s’yang isang kapatid na pinaampon ng kanyang nanay? Ano kaya ang magagawa nila ni Black Jack para muling mahanap ang nawalay na kapatid?
Ngayong Sabado, April 1, tunghayan natin sa Magpakailanman ang “ANG BEST FRIEND KONG ASO: THE EDDIE BOY REDOLOZA AND BLACK JACK STORY.”
Itinatampok sina John Arcilla as Sergio, Snooky Serna as Emmie, Will Ashley as Teen Eddie boy, Juancho Trivino as Alvin at Jacob Briz as Young Eddie boy.
May special participation din ang bida sa kwento na si Eddie Boy Redoloza kasama ang matalino n’yang aso na si Black Jack.
Sa ilalim ng mahusay na direksyon ni Don Michael Perez, mula sa panulat ni Honey Hidalgo, at pananaliksik ni Karen P. Lustica.