
Pangarap na maiahon sa hirap ang nagtulak sa isang ina para magtrabaho sa ibang bansa pero paano kung naging biktima naman s’ya ng sindikato ng droga?
Ngayong Sabado, panoorin natin ang kwento ni Sally Ordinario Villanueva – isang mapagmahal na ina at asawa na naging biktima ng drug trafficking.
Malaki ang agwat ng edad nina Sally at Hilarion. Ito ang naging dahilan kaya hindi sila agad natanggap ng pamilya.
Ipinaglaban naman nila ang kanilang relasyon at sila ay nagpakasal. Nabiyayaan din sila ng dalawang anak.
Dahil sa kagustuhan na mabigyan ng magandang kinabukasan ang mga anak, nagpasya si Hilarion na mangibang-bansa. Subalit dalawang beses s’yang naloko ng illegal recruiter. Dahil dito, lalo pa silang naghirap. Nagkapatong-patong pa ang kanilang mga utang.
Naawa si Sally sa kanilang kalagayan kaya naisip nito na s’ya na lang ang magtratrabaho sa ibang bansa.
Hindi agad pumayag si Hilarion lalo na at lagi silang naloloko. Pero mapilit si Sally. Nakahanap s’ya ng maganda at totoong agency. Umalis si Sally at nagtrabaho bilang domestic helper sa Macau.
Dito ay may nakilala s’yang kapwa Pilipino. Inalok si Sally ng Pilipinong ito na magtrabaho sa kanya. Ang tanging gagawin lang ni Sally ay magdeliver ng mga gamit sa ibang bansa kapalit ng malaking pera.
Nagtiwala naman agad si Sally sa kapwa Pinoy at tinanggap ang trabaho. Di nagtagal, malaki na ang kinikita ni Sally. Nakakapagpadala s’ya ng pera kina Hilarion. Naipaayos nila ang kanilang bahay at nakapag-aral din sa maayos na eskwelahan ang mga bata.
Disyembre 2008 ay umuwi si Sally. Masaya ang buong pamilya dahil magsasama-sama sila sa Pasko kaya lang biglang binigyan si Sally ng trabaho.
Kailangan n’yang lumipad sa ibang bansa para i-deliver ang isang travelling bag na wala namang laman nung binuksan nila. Nag-iyakan ang mga bata. Nagmakaawa sila kay Sally na ‘wag nang umalis. Niyakap ni Sally ang mga bata at nangako na babalik s’ya agad.
Subalit hindi natupad ni Sally ang kanyang pangako. Nahuli s’ya sa ibang bansa sa kasong drug trafficking! Ang bag na pinapadeliver pala sa kanya ay may lamang droga! Pinatawan pa s’ya ng parusang bitay!
Nalaman ni Hilarion ang nangyari kay Sally. Nanlumo s’ya sa sinapit ng misis at hindi rin n’ya alam kung paano ipaliliwanag sa kanilang mga anak ang totoong pangyayari.
Paano nga ba hinarap ng pamilya ang trahedyang ito? Ano ang ginawa ni Sally sa mga huling sandali ng kanyang buhay? At higit sa lahat, paano muling hinarap nina Hilarion at ng mga bata ang kanilang mga buhay pagkatapos ng pagsubok na ito?
Ngayong Sabado, April 29,2017, tunghayan natin sa Magpakailanman ang “Drug Mule sa China: The Sally Ordinario Villenueva Story”.
Itinatampok sina Diana Zubiri bilang Sally, Ryan Eigenmann bilang Hilarion, Tanya Gomez bilang Edit, Bing Davao bilang Peter, Mymy Davao bilang Cacay, Ralph Noriega bilang Jason, Dentrix Ponce bilang Lexburg at Ar Angel Aviles bilang Joy.
Sa ilalim ng mahusay na direksyon ni Gina Alajar, mula sa panulat ni Senedy Que, at pananaliksik ni Karen P. Lustica.