
Lahat tayo ay dumaraan sa iba’t ibang pagsubok at nalalagpasan natin ito dahil na rin sa matindi nating pananampalataya sa Diyos.
Ngunit papaano kung ang isang tagapaglingkod ng Diyos ay humarap sa isang pagsubok na hindi lamang sarili nyang pananampalataya ang susubukin kundi ang pagiging haligi nya sa kanyang pamilya.
Namulat sa isang magulong komunidad si Rommel,ngunit 'di nagtagal ay nagbalik loob din sa Panginoon. Hinimok ang pamilya ngunit tila parang bumbilyang sira ang naging epekto sa kanilang ilaw ng tahanan. Mas napalayo ito sa pamilya at nanatili sa masalimuot na pamumuhay.
Ngunit ang pusong tulad ni Rommel na ilang beses nang nagpatawad ay mapapalampas pa ba kapag anak na nila ang ginawan ng masama ng sarili nitong ina?
Ngayong Sabado, tunghayan ang kwento ng mag-amang nagpapakakatatag 'di lamang sa pamilya kundi para na din sa kanilang pananampalataya. Bibigyang buhay ito nina Gabby Eigenmann, Glydel Mercado at AR Angel Aviles. Makakasama pa sina Dave Bornea, Nicole Donesa, Kyle Vergara at Cathy Tan.
Ang “God, Save my Daughter” ay sa ilalim ng mahusay na direksyon ni Neal Del Rosario, mula sa panulat ni Jessie Villabrille at pananaliksik ni Georis Tuca. Mapapanood ngayong Sabado, December 2, sa programang nagpapakita ng tunay na kuwento ng mga totoong tao, Magpakailanman, pagkatapos ng Pepito Manaloto.