
Mula pagkapabata malapit na malapit sa isa't isa ang magkapatid na sina MAY at APRIL. Nangako ang dalawa na magbibigayan at magpapalitan sila sa lahat ng bagay, gaya ng laruan at mga damit.
Lumaking matalino si April. Lagi siyang nagdadala ng karangalan sa pamilya. Habang lumaki namang pasaway si May. Siya naman ang nag-aakyat ng kahihiyan sa pamilya. Dahil dito naging paborito ng mga magulang nila si April. Kinainggitan ito nang husto ni May.
Nang magdalaga na sila, pinagbawalan ng magulang nila na magkanobyo si May, habang pinayagan naman nilang makipagrelasyon si April. Dahil dito, lalong nagrebelde si May. Inagaw niya ang kasintahan ng kapatid.
Magmula noon naging malayo at malamig ang relasyon sa isat-isa nina May at April. Hanggang sa magkaroon sila ng sari-sariling asawa, ay tsaka pa lang muling nagbati ang magkapatid. Dahil sa kahirapan, napilitan silang magsama sa iisang bubong, sa bahay ng kanilang mga magulang.
Naging maybahay si May sa nagtatrabaho niyang asawa na si GLEN. Habang si April naman ang siyang nagtatrabaho para sa tamad niyang asawang si EDONG. Sa kalagayang ito, laging naiiwan sa bahay at nagkakasama sina May at si Edong. Hanggang naging malapit sila sa isa't-isa at may namagitan at naging relasyon sila. Lingid kila April at Glen, paulit-ulit pang may nangyayari kila May at Edong. Hanggang isang araw, maagang umuwi si April ay tsaka pa lang niya mahuhuli sa akto na may ginagawa sa kama ang kanyang kapatid at asawa.
Sa galit ni April ay pinalayas niya ang asawa. Lalayas din si May sa kanila. Hanggang mabalitaan nila, na nagsasama na pala sila May at si Edong.
Naiwang problemado at malungkot sina April at Glen. Naging sandigan nila ang isa't-isa. Hanggang isang gabing lasing sila, hindi nila napigilan ang pangungulila at tukso. May nangyari din sa kanila na nabuking din naman ng kanilang mismong magulang.
Galit na galit ang magulang ni April. Windang sila sa natuklasan, na ang kanilang mga anak, ang magkapatid na sina April at May ay nagpalitan ng asawa!
Ang espesyal na handog na ito ng Magpakailanman na pinamagatang "Huwag ate, Huwag bayaw" ay pinagbibidahan nina Kim Rodriguez bilang April, Rodjun Cruz bilang Glen, Ervic Vijandre bilang Edong, Faith Da Silva bilang May, Lovely Rivero bilang Nanay Nita, Mike Lloren bilang Tatay Armando, Rissian Rein bilang Young May, Kim Belles bilang Young April.
Sa direksyon ni Jorron Monroy, sa panulat ni Vienuel Ello at sa pananaliksik ni Stanley Pabilona.