
Na-in love ka na ba sa isang banyaga? E paano kung bukod sa ibang-lahi na nga ay amo mo pa siya, Ipu-push mo ba?
Ngayong Sabado, hayaang ninyong patawanin, paiyakin at pakiligin kayo ng epic love story ng American sailor na si Bud at ng kanyang yaya na si Gloria.
Mahina ang utak, tanga, bobo – ilan lang ‘yan sa mga panlalait na natatanggap ni Gloria mula sa kanyang pamilya, bukod pa sa iba’t-ibang klase ng pangmamaltrato na ipinararanas ng mga ito sa kanya. Dahil dito, lumayas ang noo’y teenager pa lang na si Gloria at namuhay mag-isa. Nang mapadpad sa Maynila, nagpapalit-palit siya ng trabaho dahil dumanas pa rin siya ng pangmamaltrato mula sa kanyang naging mga amo. Taong 1970, tumungo si Gloria sa Zambales nang malaman niyang maraming oportunidad doon para sa kanya bilang isang kasambahay.
Isa si Bud sa mga Amerikanong sundalo na ipinadala sa Zambales bilang interpreter ng US Navy noong panahong ng Vietnam War. Nangupahan si Bud sa isang bahay sa labas ng kampo, ngunit nahirapan siya sa mga gawaing-bahay. At sa pagtatanong-tanong para magkaroon ng sariling katulong, nagkrus ang landas nila ni Gloria.
Noong una, nahirapan si Bud sa pakikitungo kay Gloria. Bukod kasi sa magkaiba nilang kultura at wika, hindi din lubos na nakapag-aral si Gloria at napagtanto ni Bud na dyslexic pala ito at hirap magbasa. Pero sa halip na magalit, matiyagang nagturo si Bud kay Gloria para matuto ito. Hindi itinirato ni Bud bilang katulong si Gloria. Kaya habang dumaraan ang mga buwan, dahil madalas silang magkasama, naging magkaibigan sila at napalapit ang loob sa isa’t-isa. At dahil sa kabaitan ni Bud, unti-unting nahulog ang loob ni Gloria sa kanya.
Ngunit nagkalayo sila nang muling magbalik si Bud sa Amerika. Pero doon, napagtanto ni Bud na nangungulila siya kay Gloria, at inamin niya sa sarili na gusto niya ito. Ipinagtapat niya agad sa kanyang pamilya ang nararamdaman niya para kay Gloria pero tutol ang mga ito na magkaroon ng relasyon ang anak nilang sundalo sa yaya nito.
Ano nang mangyayari sa naiwang si Gloria na walang ideya kung babalik pa sa kanya si Bud? Ipagpapatuloy kaya ni Bud ang nararamdaman para kay Gloria sa kabila ng pagtutol ng kanyang pamilya? Paano nga ba hahantong sa happy ending ang kuwento ng sailor at ng yaya?
Ngayong Sabado, tunghayan ang isang nakakakilig na epic love story na pangungunahan nina Ivan Dorschner bilang Bud at Denise Barbacena bilang Gloria. Makakasama din nila sa episode sina Patricia Ysmael, Hannah Precillas at Travis Kraft.
Ang “My Heart Belongs to You: The Bud and Gloria Brown Story” ay sa ilalim ng direksyon ni Joel Lamangan, DGPI, mula sa panulat ni Charlotte Dianco at pananaliksik ni Loi Nova. Dito lang sa programang nagpapakita ng tunay na kuwento ng mga totoong tao, Magpakailanman, pagkatapos ng Pepito Manaloto.