
Ngayong Sabado, handog ng Magpakailanman ang isang kuwento ng teenage marriage na dumaan sa masasalimuot na probema at sinubok ng isang matinding sakit sa pag-iisip. Ito ang kwento nina Issa at Gerald.
High school noon si Issa nang magkrus ang landas nila ng pilyo niyang schoolmate na si Gerald. Ang pakikitungong nagsimula sa asaran, ‘di naglaon ay nauwi sa pagiging magkasintahan. Pero dahil parehong bata at mapusok, nagpadala sina Issa at Gerald sa init ng kanilang pagmamahalan – na nauwi sa pagdadalang-tao ni Issa. Lubos itong Ikinagalit ng mga magulang ni Issa, lalo na ng kanyang ama. Gayun pa man, nangako si Gerald na pananagutan ang nangyari at patuloy na mamahalin si Issa at ang kanilang magiging anak. Nagpakasal silang dalawa at nangakong magsasama sa hirap at ginhawa.
Sa murang edad, natuklasan nina Issa at Gerald ang saya at hirap ng buhay may-asawa. Mula sa pagsasaka sa probinsya, lumuwas si Gerald sa Maynila at nagtrabaho sa isang kilalang mall para magkaroon ng mas maayos na kita. Pero ang naging kapalit nito – ang matinding kalungkutan dahil sa pagkakalayo sa kanyang mag-ina, at ang mga pisikal na pang-aabuso mula sa kanyang mga katrabaho. At hindi pa man nagtatagal, tinanggal agad si Gerald sa kanyang trabaho.
Lubos na dinamdam ni Gerald ang mga nangyari. Naguluhan siya sa pag-iisip kung paano na bubuhayin ang kanyang pamilya. Hanggang sa magsimula na siyang makarinig ng mga kakaibang boses at unti-unting maging bayolente. Tila nawala sa katinuan si Gerald dahil sa lubos na pag-iisip. At sa pagbabalik niya sa kanilang probinsya, hindi makapaniwala si Issa sa malaking pagbabago sa kilos at pag-uugali ng kanyang asawa, na unti-unti namang nagpahirap sa kanilang pagsasama.
Paano tatanggapin ni Issa ang kinahinatnan ni Gerald? Magagamot pa kaya ang sakit nito? Magagawa kaya ni Issa na maitaguyod mag-isa ang kanilang pamilya, ngayong nagkaroon ng sakit sa pag-iisip ang kanyang asawa? Mapapanindigan pa nga ba niya ang sinumpaan sa harap ng altar na sasamahan si Gerald sa sakit man o kalusugan, sa hirap man o ginhawa?
Sa pangunguna nina Jeric Gonzales at Pauline Mendoza, kasama sina Samantha Lopez, Jackie Lou Blanco at Gardo Versoza, tunghayan ang kakaibang kwento ng pagmamahalan nina Issa at Gerald sa episode na pinamagatang “Our Crazy Love”, sa ilalim ng direksyon ni Gil Tejada Jr., mula sa panulat ni Jessie Villabrille at pananaliksik ni Loi Nova.
Mapapanood ito ngayong Sabado, April 28, sa programang nagpapakita ng tunay na kuwento ng mga totoong tao, Magpakailanman, pagkatapos ng Pepito Manaloto.