
Abangan ngayong Sabado si Kris Bernal sa isang natatanging pagganap bilang Arlene sa 'Magpakailanman.'
Lahat tayo ay nangangailangan ng pag-aaruga at pagmamahal ng magulang. Ngunit paano kung dahil sa di inaasahang pagkakataon ika’y nawalay sa kanila? Paano kung paglaruan kayo ng tadhana at di ka na makilala ng magulang na tatlumpung limang taon mong inaasam na makita at makasama?
Bata pa lang si Arlene ay lagi ng nag-aaway ang kanyang mga magulang hanggang sa umabot ito sa paghihiwalay. Pinapili noon si Arlene kung kanino nya gustong sumama at pinili nya ang ama na hindi nagustuhan ng kanyang ina. Dahil dito itinakas sya ng ina. Kung saan-sana sila nakarating hanggang sa napansin nya na nagsasalitang mag-isa ang ina. Bigla na lang syang binitawan nito at di na binalikan.
Hanggang sa makita sya ni nanay Narcisa at kinupkop. Sa pagkupkop na ito ay pinalitan din ni nanay Narcisa ang pangalan nya ng “Lorna.”
Dahil bata pa sya noon, pinagpasalamat na lang nya na may kumukupkop sa kanya at inisip na sa tamang panahon hahanapin nya ang tunay na mga magulang.
Lumipas ang maraming taon, nagkapamilya na si Arlene ngunit di pa rin nawawala sa isip nya ang tungkol sa mga totoong magulang.
Hanggang sa natuto syang gumamit ng facebook, dito tinangka nyang hanapin at imessage lahat ng may apelyido na “Oraya.”
Hanggang sa may sumagot sa kanya at tito pala nya at sinabing nasa Samar ang ama.
Nabuhayan ng loob si Arlene dahil pagkalipas ng tatlumpung limang taon ay magkikita na sila ng mag-ama kahit pa di nya inaasahang di sya maaaninag nito.
Abangan ngayong Sabado si Kris Bernal sa isang natatanging pagganap bilang Arlene. Makakasama din sina Snooky Serna, Julio Diaz, Kier Legaspi, Sue Prado, Dennis Coronel, Jay Gonzaga at Zofia Quinit.
“Pinaghiwalay, Pinagtagpo ng Tadhana” ay sa ilalim ng mahusay na direksyon ni Ms. Gina Alajar, mula sa panulat ni Rhoda Sulit-Mariano at pananaliksik ni Cynthia Delos Santos.
Alamin kung paano hindi nagiging hadlang ang tagal nang walang komunikasyon sa totoong pagmamahal na namumutawi sa isang anak at kanyang magulang, ngayong Sabado, August 6, sa programang nagpapakita ng tunay na kuwento ng mga totoong tao, Magpakailanman, pagkatapos ng Pepito Manaloto.