
Kahit pa ang mga taong nagtatrabaho sa pinakamasayang lugar sa mundo, nakararanas din ng kalungkutan. Katulad na lang ni Lucy Navarrete Valenzuela na isa sa mga pinoy performers ng Hongkong Disneyland.
Lumaki si Lucy sa isang simple ngunit masayang pamilya, kung saan nabuhay ang interes niya sa pagsasayaw. Sinuportahan siya ng kaniyang mga magulang sa kaniyang natatanging passion sa sining sa pagsasayaw mula pagkabata hanggang sa maging ganap siyang stage performer.
Sa propesyon niyang ito ay makikilala niya ang lalaking magpapatibok sa kanyang puso, si Chito. Sa una’y hindi magkakasundo ang dalawa ngunit hindi magtatagal ay mapapangasawa n’ya rin ito.
Sunod-sunod ang pagdating ng masasayang sandali sa buhay ni Lucy. Nagkaroon siya ng mga anak, at naging masayang pamilya sila kasama ni Chito. Hindi nagtagal, nagkaroon ng pagkakataon si Lucy na magtrabaho bilang isang performer sa Hongkong Disneyland bilang isa sa mga pinakasikat na character sa theme park.
Masaya man kung maituturing ang oportunidad na ito, may bahagi sa puso ni Lucy ang malungkot. Ito ay dahil sa pangangailangan niyang iwan ang kaniyang masayang pamilya dito sa Pilipinas.
Ngunit kung kailan nagsimula na si Lucy bilang performer si Hongkong Disneyland, iba’t ibang pagsubok naman ang kaniyang kinaharap. At ang pinakamabigat dito ay dahil sa taong pinakanagpapasaya sa kanya, ang asawa niyang si Chito.
Ating abangan ang “Pinay in the Happiest Place on Earth: The Lucy Navarrete-Valenzuela Story.” Ito ay bibigyang buhay nina Rochelle Pangilinan at Arthur Solinap. Kasama sina Mike Lloren, Glenda Garcia, Mikee Quintos, Kate Valdez, Althea Ablan, Nar Cabico at Gui Adorno.
Sa natatanging direksyon ni Gil Tejada Jr., sa panulat ni Glaiza Ramirez, at sa pananaliksik ni Jessie Villabrille. Huwag nating palampasin ngayong Sabado, July 1, ang kuwentong magbibigay sa atin ng aral, inspirasyon, at magtuturo sa atin ng tunay na kahulugan ng kaligayahan. Dito lang sa nag-iisang drama anthology ng bansa na nagpapakita ng mga totoong kuwento ng totoong tao, Magpakailanman, pagkatapos ng Pepito Manaloto.