
Ang bawat pamilya ay sinusubok ng iba’t-ibang problema. At ang mga magulang ang gumagawa ng paraan para mapanatiling buo ito. Pero paano pagbubukludin ng ina ang pamilya kung ang dahilan ng pagkawasak nito ay ang mismong haligi ng tahanan?
Itinatago ni Yukie sa inang si Carmen ang panghahalay sa kaniya ng amang si Brando, mula pa pagkabata nito. Dahil sa takot, kahit pa naging teenager na si Yukie, ay hindi pa rin siya nagkaroon ng lakas ng loob na magsabi sa ina, na ilang beses na siyang ginamit at binaboy ng paulit-ulit ng ama, habang nasa trabaho si Carmen.
Hanggang sa dumating ang pagkakataong, nagkaroon na ng lakas ng loob si Yukie, para labanan ang ama. Ngunit naunahan sya ng takot at dahil sa pagtatanggol ni Yukie sa sarili ay nasaksak pa siya ng hayop na ama. Dahil sa pangyayaring ito na muntik nang kumitil sa kanyang buhay, nilayasan na ni Yukie ang kanyang tahanan at humingi ng tulong sa mga awtoridad. Napakulong niya ang kanyang ama.
Pero dahil sa tunay na pagmamahal pa rin ni Yukie sa kapatid at ina, at sa kagustuhang mabuo pa rin ang nawasak na pamilya, pinili niyang maging mabuting anak. Nahanap ni Yukie sa kanyang puso na magpatawad, at pinili niyang patawarin ang kanyang ama kaysa kamuhian ito habang buhay. Dahil sa paghilom ng kanyang puso, nakuha niyang magtiwala ulit sa lalake, dahil sa tunay na pag-ibig na inialay ni Herbert sa kaniya.
Tunghayan sa Hulyo 14 ang kuwento ng “SA KAMAY NG SARILI KONG AMA”
Sa pangunguna ni Pauline Mendoza na gaganap bilang Yukie. Kasama sina Wendell Ramos bilang Papa Brando, si Sherilyn Reyes bilang si Mama Carmen ang inang nagsakripisyo. Tampok din sina Luz Valdez bilang Lola Carning, nanay ni Brando, at si Adrian Pascual bilang Garry (kapatid ni Yukie), at ang matapang na kasintahang si Ralph Noriega bilang Herbert.
Sa direksyon ng award-winning indie director na si Adolf Alix, Jr, sa panulat ni Honey Hidalgo at sa masinsing pananaliksik ni Karen Lustica.