
Ngayong Sabado, October 22, 2016, tunghayan natin ang pakikipagsapalaran ni Franz, ang babaeng nagtrend at nagviral sa social media at tinawag na “nganga sa bus girl.”
Lumaki si Franz sa isang magulong pamilya. Hindi sila magkakasundong magkakapatid at ang tatay nilang si Mang Iko ang nagbubuklod sa kanila. Kaya daw noong mamatay ito noong 1st year high school pa lang s’ya, ay nagkaroon na silang magkakapatid ng sari-sariling buhay kahit magkakasama sila sa iisang bahay. Ang nanay naman nilang si Malou ay nakatuon sa pagraket sa pagbebenta ng iba’t-ibang produkto na nire-resell nito.
Noong kabataan ay mahiyain si Franz. Alam niya sa sarili na hindi siya kagandahan pero dahil sa full support sa kanya ng kanyang tatay sa pangarap niyang maging sikat na dancer ay nabuo ang nag uumapaw niyang self-confidence.
Noong patapos na ng high school, nagsimula si Franz na sumali sa mga extra-curricular activities sa school at sa baranggay nila. At kahit minsan ay binu-bully, lalo na’t hindi naman daw s’ya kagandahan, lumalaban s’ya at hindi hinahayaang lokohin s’ya ng iba.
At nang mag-kolehiyo, sumali na din s’ya ng teatro at naging cheerleader at dancer sa kanilang eskwelahan at dancer din s’ya sa isang grupo sa kanilang baranggay. Sumasali-sali sila sa mga contest at kinukuha ang grupo nila sa events tulad ng fund-raising at iniipon n’ya ang kinikita.
Sa pagsasayaw nakilala niya si PHRAIN (pronounced as Frayn), ang lalaking nagbigay sa kanya ng sobrang atensyon at pagmamahal.
Noong una na nagpakita ito ng interes sa kanya, ayaw n’yang pansinin dahil iniisip n’ya na hindi naman seryoso ito sa kanya. Pero noong makita naman n’yang sincere ito, inentertain na n’ya ang panliligaw nito. Kalaunan ay nagdesisyon silang magsama na at bumuo ng pamilya.
Dahil hindi naman kalakihan ang kinikita sa call center na pinapasukan nagdesisyon silang sa bahay nina Franz sila makipisan. Hindi rin kasi malaki ang sweldo ni Phrain sa pagwewaiter sa catering company na pinapasukan nito.
Ito ang nagpabalik sa conflict sa pagitan ng mga kapatid ni Franz. Naging masyadong masikip ang kanilang tahanan para sa kanilang lahat dahil nagkasabay pa silang manganak ng kaniyang ate Maricris.
Nang lumala ang tension ay nagdesisyon silang humiwalay ng tirahan pero kapalit nito ay dobleng kayod para sa mag asawa, dahil kahit pagod pareho sa trabaho ay kailangan nilang halinhinang alagaan ang anak nilang si Miel, lalo na para kay Franz dahil after work ay kailangan pa n’yang alagaan si Miel lalo na’t magdamag namang nag-alaga si Phrain dito.
Dahil night shift si Franz sa trabaho, konti lang ang oras n’ya para matulog. Madalas ay sinasabayan pa n’ya si Baby Miel habang gising ito sa umaga. Kaya tuwing papasok ng trabaho, pagod na pagod pa rin s’ya at minsan ay bumabawi na lang ng tulog sa byahe tutal ay malayo din naman ang travel time n’ya papasok ng trabaho.
At isang araw nga, pag-uwi n’ya ng bahay, nagulat na lang s’ya nang ipakita ng kaibigan n’ya sa kanya ang pagkalat ng kanyang litrato habang nakangangang tulog at nakahilig sa balikat ng katabing lalaki.
Mas lalo pang nakasakit sa kanya ang mga unang komentong nabasa nila dahil sa pambubully ng netizens tungkol sa kanyang itsura habang natutulog sa bus. Doon s’ya ulit nakaramdam ng awa sa sarili. Doon s’ya ulit umiyak ng todo dahil hindi n’ya pala kaya kapag halos buong madla na ang umaalipusta sa kanya. Nagkulong s’ya ng kuwarto at parang ayaw n’yang pumasok ng trabaho sa sobrang hiya.
Pero nandoon palagi si Phrain para i-comfort s’ya. Nakita pa n’ya na nag-post din si Phrain para ipagtanggol s’ya at patamaan ang lalaking nagpost ng pambubully sa kanya. Sinuportahan din s’ya ng pamilya n’ya sa pinagdadaanan n’ya.
Mabuti na lang at may isa din s’yang kaibigan na nagpaliwanag sa social media tungkol sa hirap na pinagdadaanan n’ya kaya nangyayari ang pagtulog n’ya sa bus sa tuwing papasok s’ya ng trabaho.
Malaki ang naging pasasalamat ni Franz noong makita ang ibang comments ng netizen sa pagtatanggol sa kanya. At may ilang pa ngang nagkomento na puwede n’yang kasuhan ang lalaking nam-bully sa kanya sa social media.
Ngayong Sabado, October 22, 2016, tunghayan natin ang pakikipagsapalaran ni Franz, ang babaeng nagtrend at nagviral sa social media at tinawag na “nganga sa bus girl.”
Itinatampok sina DIVINE AUCIÑA bilang Franz, JOSHUA DIONISIO bilang Primo, GARDO VERSOZA bilang Tatay Iko, SUE PRADO bilang Nanay Malou, STEPHANIE SOL bilang Vina, ARNY ROSS bilang Maricris, SANCHO DELAS ALAS bilang Jonjon at PAULINE MENDOZA bilang Young Maricris
Sa direksyon ni LA Madridejos, mula sa panulat ni Loi Argel Nova at pananaliksik ni Rodney Junio