
Sa ika-anim na linggo ng Christmas Cartoon Festival Presents, ipapaalala ng limang animated specials ang halaga ng mga tradisyon tuwing sumasapit ang panahon ng Pasko.
Samahan ang mga alagang hayop na sina Archie, Babs at Duke sa Second Star to the Left sa December 28.
Makapupulot ang tatlo ng isang regalo na nahulog mula sa sleigh ni Santa Claus kaya susubukan nila itong ihatid sa may-ari.
Maihatid kaya ng rabbit, hamster at guinea pig ang regalo?
Sa December 29 naman, magiging busy ang Pasko ni Postman Pat sa Postman Pat: Magic Christmas.
Si Postman Pat ang naatasang magbihis bilang Santa Claus sa Christmas Party ng kanilang bayan.
Nang papunta na siya roon matapos ang trabaho, na-stuck sa putik ang kanyang van. Buti na lang, tutulungan siya ng isang lalaking may mahaba at maputing balbas.
Susubukan naman ng elf na si Chippey na bumalik ang paniniwala ng batang si Taylor kay Santa Claus sa An Elf's Story: The Elf on the Shelf sa December 30.
Base ang kuwento sa picture book set na siya na ring naging tradisyon, na nagpapaliwanag kung paano nalalaman ni Santa Claus kung sino ang mga batang dapat ilagay sa naughty or nice list.
Kuwento naman ng dalawang lumang laruan ang mapapanood sa The Forgotten Toys sa December 31.
Magkakakilala ang teddy bear na si Teddy at ragdoll na si Annie sa magkatabing basurahan pagkatapos ng Pasko.
Magkasama silang maglalakbay para humanap ng panibagong bata na magmamahal sa kanila.
Sa unang araw naman ng bagong taon, January 1, 2021, magbabalik ang paborito nating snowman na si Frosty sa The Legend of Frosty the Snowman.
Sa pagbisita ni Frosty sa bayan ng Evergreen, makikita niyang hindi masaya ang mga bata dito dahil sa istriktong mga patakaran na kailangan nilang sundan.
Makikipagkaibigan siya sa batang si Walter at makalipas lang ang ilang araw, bulungbulungan na sa mga bata na may isang snowman na nais makipaglaro sa kanila.
Salubungin ang bagong taon kasama ang animated specials na hatid ng ika-anim na linggo ng Christmas Cartoon Festival Presents, Lunes hanggang Biyernes, 8:00 a.m. sa GMA-7.