
Isa sa mga pinakamalapit at tunay na nakakakilala sa mga celebrity ay ang kanilang glam teams.
Habang ginagamit nila ang kanilang husay sa pagpapaganda, madalas nabubuo rin ang koneksyon at pagkakaibigan sa mga artistang kanilang inaayusan.
Isa sa mga kinikilalang makeup artist sa industriya ay si Bambbi Fuentes, na nakatrabaho na ng ilang bigating pangalan gaya nina Kris Aquino, Dawn Zulueta, Dina Bonnevie, at ang magkapatid na sina Janice at Gelli de Belen.
Siya rin ang nasa likod ng ilan sa iconic looks ng Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera.
Sa panayam ni Snooky Serna, ibinahagi ni Bambbi ang kanyang karanasan sa unang pagkikita nila ni Marian.
"I think I have the 3rd and the 4th eye for beauty," ani Bambbi.
" Kasi si Marian, 'yung nakita ko pa nga lang, and naka ponytail pa, inikot ko, sabi ko 'Oh my God! This is it! She will make it.'"
Habang tumatagal ang kanilang pagtatrabaho, mas naging matalik na kaibigan ni Bambbi ang Kapuso Primetime Queen. Higit pa sa kanyang kagandahan, hinangaan niya ang aktres dahil sa kabutihan nito.
"Si Marian is one of my dearest friends. Kumare ko 'to, inaanak ko si Zia, and she's one of the most generous persons I have ever encountered. Parang si Kris [Aquino] din 'to. Bago ka pa bumuka ng bibig, alam na niya 'yung kailangan mo. She's very polite," kuwento niya.
Sa usapin naman ng mga maling akala tungkol kay Marian, naniniwala si Bambbi na natural lamang ang ilang reaksyon ng aktres na madalas napapansin ng tao.
"Like it can also happen to me.'Pag kinanti mo ko, kakantiin din kita. Something like that. So, I think it's normal. Human instinct naman iyon."
Sa ngayon patuloy si Bambbi sa kanyang career bilang makeup at hair stylist.
Habang si Marian naman ay patuloy mapapanood sa Stars on the Floor, tuwing Sabado, 7:15 p.m. sa GMA!
Tingnan dito ang ilang celebrities at ang kanilang non-showbiz friends sa gallery na ito: