
Mula sa makukulay niyang kanta tulad ng “Dilaw,” “Bughaw,” “Kahel na Langit,” at iba pa, napatunayan na ng singer-songwriter na si Maki ang kaniyang talento sa pagsulat ng mga makabagbag damdaming mga awitin. Ngunit ang pinaka masasakit niyang kanta, dahil umano sa ex girlfriend niyang bigla na lang siyang iniwan.
Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Huwebes, August 7, binalikan ni King of Talk Boy Abunda ang kwento sa likod ng mga awitin ni Maki, kabilang na ang kauna-unahan niyang single na “Halaga.”
Kuwento ni Maki, maaaring wala masyadong nakakaalam ng naturang kanta, lalo na at wala namang nakinig nito noong una niyang ilabas ang kanta.
“Meron po kasi sa Spotify na makikita mo na may isang nakikinig, may dalawang nakikinig, tapos 'yung kaisa-isahan po na 'yun, 'yung Papa ko. So sobra po akong happy,” sabi ni Maki.
Kaya naman, sobrang pinapahalagahan ni Maki ang kaniyang mga magulang. Tanong ni Boy, ang mga magulang ba niya, at ang layunin na gusto niyang maging proud ang mga ito sa kaniya, ang dahilan kung bakit siya nakasulat magagandang kanta.
Pag-amin ni Maki, “Badtrip kasi 'yung ex ko rin, Tito Boy. 'Yung ex ko po, Tito Boy, mag susumbong po ako sa inyo, kasi po 'yung ex ko, bigla na lang umalis.”
Kuwento ni Maki, bigla na lang umalis ang ex girlfriend niya noon ng wala umanong paglilinaw kung bakit. Ang masakit pa nito, pinuntahan pa ng dating girlfriend ang taong pinagseselosan niya noong mga panahon na iyon.
Pagbabahagi pa ni Maki, ang extended play o EP niyang “Tanong” noong 2023 ang mga tanong niya mismo sa kaniyang ex. Kwento pa niya, wala sana siyang balak ilabas ang naturang koleksyon ng kanta lalo na at pakiramdam niya ay sobrang vulnerable siya dito.
“Pero I felt like people needed that from me, na kailangan kong maging real in order for them to realize na 'Yes, I'm also a person, I'm a singer, and I get to write songs about not only sa buhay ko po, pero sa mga tao na nakaka-relate po sa akin,'” sabi ni Maki.
Dagdag pa niya, first love niya ang naturang ex-girlfriend niya at hanggang ngayon ay hindi na siya na-in-love muli.
Nilinaw naman ni Maki na hindi singer o parte ng music industry ang kaniyang ex, at sinabing kahit nag-hit na ang mga kanta niya ay ayaw pa rin siyang kausapin nito. Ngunit para sa “Dilaw” singer, enough closure na ang nangyari sa kanila.
“Enough closure na po 'yung parang realizing for myself na I'm worth it kahit ano, sinong tao man 'yung makilala ko. Para sa'kin, 'yun po 'yung closure ko sa sarili ko and 'yun na rin po 'yung sagot sa mga tanong na tinanong ko po sa mga songs ko,” sabi ni Maki.
SAMANTALA, ALAMIN ANG SONGWRITING PROCESS NI ICE SEGUERRA SA GALLERY NA ITO: