
Mas tumitindi pa ang mga tagpo sa GMA Prime fantasy series na Encantadia Chronicles: Sang'gre, lalo na at nagkita na sina Sang'gre Terra (Bianca Umali) at Pirena (Glaiza de Castro.) Kaya naman sa FastTalk with Boy Abunda nitong Miyerkules, August 13, kinamusta ni Boy Abunda sina Manilyn Reynes at Boboy Garrovillo at ang katrabaho nilang New Gen Sang'gre.
Kwento ni Manilyn, “Si Bianca, nakasama ko na rin siya before. Si Bianca, napakalalim na bata. 'Di ba, Tay, ang ganda pati ng puso. 'Pag nakausap mo siya, hindi lang sa aktingan, ang ganda ng puso ng batang 'yan, napakabait.”
Para naman kay Boboy, akala niya noong una ay matanda ang kausap niya dahil sa maturity ng aktres. Sa katunayan, pag-amin ng aktor, gusto niyang tanungin si Bianca tungkol sa buhay nito.
“Nu'ng first time na nakausap ko siya, gusto ko na itangong 'yung buhay niya. 'Bakit ka ganu'n?' Oo, kasi parang alam mong may pinanggalingan 'yung personality niya,” sabi ni Boboy.
Samantala, bilang mga beteranong aktor, tinanong din ni King of Talk Boy Abunda sina Manilyn at Boboy kung sa pagganap ni Bianca kay Terra ay ano ang magiging future nito.
Para kay Manilyn, “Mas sisikat pa ang batang 'yan, at mas gagaling pa, Tito Boy. Kasi to begin with, napakagaling na e, ngayon pa lang.”
Kitang-kita rin nila ang pagiging seryoso ni Bianca sa pag-arte at pinansin ang lalim ng acting ng young actress.
“With her size, pwedeng-pwede siya hindi lang drama, I think pwede siya sa action e. So malawak ang possibilities sa kaniya,” sabi naman ni Boboy.
Pagtatapos ni Manilyn, “She really knows what she's doing. Alam niya ang trabaho niyang ito.”