
Napaluha ang versatile actress-singer na si Manilyn Reynes sa gitna ng media conference ng Pepito Manaloto ngayong Martes ng hapon, May 25 nang mapag-usapan ang kanyang Daddy Nelson Reynes.
Matatandaan na pumanaw ang ama ng Pepito Manaloto star noong January 29 sa edad na 74.
Kinumusta ng entertainment writer at radio host na si Gorgy Rula si Mane via Zoom conference at nagkuwento ito sa nangyari sa kanyang ama early this year.
Pagbabalik-tanaw ng Kapuso star, “Ito po January po nangyari , January 29 pero salamat po dahil may mga kaibigan tulad ng mga kasamahan ko hindi lang sa Pepito, kundi 'yung mga friends po namin na talagang nakiramay, nagpakita ng pakikiramay,
“Prayers--importanteng-importante. Medyo naging mahirap lang po siya, kasi 'yun nga totoo dahil sa pandemic.
“Kinailangan umuwi at naalangan naman po kami umuwi, kasi yung naman reason talaga e, dapat naman talagang umuwi.
“Medyo may lungkot lang din po kasi bukod sa pagkawala hindi naman siya talaga, sorry, nahawakan [o] nayakap...”
Dito sandaling natigilan at napaluha si Manilyn na ramdam pa rin ang pangungulila sa kanyang Daddy Nelson.
Pagpapatuloy nito na naiintindihan niya ang nararamdaman ng mga kababayan natin ngayong may pandemic na hindi man lang nasamahan ang mga mahal nila sa buhay, dahil na rin sa risk na tamaan sila ng COVID-19 sa ospital.
Aniya, “Alam po namin 'yung mga pinagdaraanan noong mga tao to think nga 'yung kay Daddy nga it was not COVID hindi ba, we are also for the people na 'yung mga nawalan ng kanilang mahal sa buhay na COVID talaga ang naging dahilan.
“How much more di ba na hindi mo talaga matabihan? We were there nasa tabi kami, pero hindi naman nahawakan, nayakap, kasi we were also scared na di ba--nasa ospital ka nga, e.”
Balikan ang fondest memories ni Manilyn Reynes kasama si Daddy Nelson Reynes sa gallery below.