
Aprubado raw kay Senator Manny Pacquiao ang pagiging celebrity ng kanyang mga anak.
Ang kanyang panganay na anak na si Jimuel, nakikilala na bilang isang amateur boxer. Samantala, ang pangalawa niyang anak na si Michael ay nalilinya na sa music habang nahuhumaling naman sa vlogging ang anak niyang babae na si Princess.
Sa kanilang tatlo, isa ang tila tutol si Manny kung siya ang masusunod.
"Okay lang naman sa akin. Labag lang sa loob ko yung boxing," pag-amin niya nang makapanayam siya ng piling media, kabilang ang GMANetwork.com, para sa bago niyang ineendorsong online games na Mobile Legends.
Gayunman, aniya, suportado niya ang pagboboksing ni Jimuel dahil ito ang kanyang hilig.
Paliwanag niya, "Yung panganay ko gustong mag-boxing talaga, e. Sige lang. Gusto raw niya ma-experience yung boxing, so sige lang.
"Pero kung ako ang tatanungin talaga, ayaw ko kasi mahirap naman talaga yung boxing.
"Ngayon, pinaparanas ko sa kanya yung hardwork training para [malaman niya na] hindi pala ganun kadali yung boxing."
Hindi tulad ng ibang atleta, hindi raw naiisip ni Manny na may susunod bilang boxing legend sa kanyang mga anak.
"Hindi ako ganun kasi boxing is a serious sports, na pwede mong ikamatay," aniya.
"Naranasan ko 'yan na muntik na akong maano diyan sa boxing. Kaya ayaw ko namang maranasan pa [nila] 'yung mga ganung experience.
"Ang boxing kasi is one-of-a-kind, you need to be a pro warrior to enable to sustain and fight in the ring.
"Ibig kong sabihin, hindi lang 'yung pa-boxing-boxing 'tapos lalaban ka, hindi ganun ang boxing.
"Ang boxing talaga, it will need your focus, your sacrifices, hardwork, and discipline.
"Lahat ng katangian dapat alam mo dahil ang boxing, pwede kang mamatay.
"Like in my experience, dalawa sa kasama ko ang namatay, 'yung kaibigan ko pa, talagang nangyayari 'yung ganun hindi maiiwasan."