
Nakatanggap ng maraming sorpresa si Eddie “Titeng” Wenceslao, isang lalaking naputulan ng binti mula pagkabinata dahil sa kabutihang-loob ng professional basketball player na si Marc Pingris.
Noong November 9, sinimulang hanapin ni Marc ang isang lalaking iisa ang binti ngunit masaya pa ring naglalaro ng basketball sa pamamagitan ng kanyang Instagram account.
Panawagan niya, “Kung sino man nakakakilala sa tao na eto, please naman bigay niyo name at number niya sa akin. DM niyo po please. Gusto ko syia makilala please! Please! Kahit mabigyan ko lang ng sapatos at sando at gusto ko sya makalaro, hehe.”
Natupad naman ang hiling ni Marc at ibinahaging natagpuan na niya ang special basketball player na kanyang hinahanap.
Ibinalita niya sa kanyang social media accounts, “Salamat sa mga tumulong para makita ko si Eddie "Titeng" Wenceslao. Para sa'yo Titeng, masaya ako na nakilala na din kita! Sobrang na-inspire ako sa'yo! Laban lang! 17 taong gulang si Titeng nang maputulan siya ng kanang binti at paa. Pero di siya sumuko at tuloy pa rin siya sa pagsusumikap sa buhay at sa basketball. Kung maglaro siya may puso!”
Mapapanood sa vlog ni Marc ang kanilang pagkikita.
Wika ni Marc kay Teteng, “Sobrang natuwa lang ako dahil sobrang kumbaga ano, na-inspire mo ako tapos sa ginawa mo ang daming ano, ang daming natuwa na tao.
“Ang maganda kasi sa'yo, naglalaro ka, nakangiti ka. Parang wala kang ano 'di ba, parang alam mo 'yun parang wala kang iniindang ano, parang injury. Ang sarap lang pakinggan, ang sarap lang panoorin 'yung mga comment ng tao sa'yo.
“Na-inspire mo din ako dahil ako minsan gumi-give up ako sa paglalaro ng basketball pag may sumasakit sa akin. E di nung napanood kita parang, parang na-inspire mo ako na sige, laban lang. Parang ganun. Kasi may injury ako ngayon kaya hindi ako nakasama sa PBA Bubble. May injury ako kaya nagre-rehab ako. Minsan tinatamad ako, minsan napapagod, ganun. But nung napanood ko 'yung laro mo, sabi ko na-inspire mo talaga ako. Ang saya, sobrang saya.”
Dahil dito kaya raw naisip ni Marc na gawin ang kanyang mga sopresa. Niregaluhan niya si Teteng ng dalawang pares ng basketball shoes tulad ng gamit ng iniidolo nitong NBA player na si Kyrie Irving.
Matapos nito, dinala siya ni Marc sa isang orthotics at prosthetics clinic upang regaluhan siya ng artificial leg.
Hindi pa dito natapos ang mga sorpresa para kay Teteng. Habang naglalaro sila ng basketball ni Marc ay ipinasok ang iba pang regalo ng PBA player para sa kanya. Binigyan siya nito ng isang automatic scooter at ilang jerseys mismo ni Marc na kanya pang nilagdaan.
Panoorin ang buong vlog ni Marc dito:
LOOK: The life of Danica Sotto and Marc Pingris under home quarantine