
Aminado ang OPM Balladeer na si Marco Sison na hanggang ngayon, siya at ang kanyang pamilya ay marami pa ring katanungan tungkol sa pagpanaw ng kaniyang apo at Sparkle artist na si Andrei Sison.
March 2023 nang ibalita ng Sparkle GMA Artist Center na pumanaw na ang teen actor dahil sa isang car accident. Huwebes, March 23, 2023 ay nagte-taping pa si Andrei para sa isang variety show sa GMA, na natapos ng 7 p.m. Ayon sa report ng pulis, 2:30 a.m. ng March 24 nang mangyari ang aksidente.
Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Miyerkules, November 6, ay binalikan ng batikang host na si Boy Abunda ang sinabi noon ni Marco sa isa niyang post nang mawala ang kaniyang apo.
Pag-alala ni Boy, “May isa kang linya du'n na hindi ko malilimutan na parang sinabi mo, 'Everything happens for a reason, sinasabi nila. Ito, ang dami kong tanong, aantayin ko 'yung dahilan na 'yun kung ano man 'yun pero hindi ko talaga maintindihan.”
BALIKAN ANG PAGBIBIGAY PUGAY NG ILANG SPARKLE ARTISTS AT KAIBIGAN NI ANDREI DITO:
Dito ay tinanong siya ng batikang host kung naiintindihan na ba niya ngayon. Ang sagot ni Marco, “Hindi pa. Hinihintay ko pa. Dapat meron talagang may mangyaring iba na connected du'n sa nangyari sa apo kong 'yun. 'Yun nga e, 'Ano'ng reason bakit ganu'n? Ano'ng nangyayari, bakit nangyari?' So hinihintay ko 'yun."
Tinanong rin ni Boy kung mayroon bang kanta si Marco ngayon para sa kaniyang namayapang apo, ngunit pag-amin ng singer, hindi niya alam at hindi pa siya handa sa ngayon. Nang i-suggest ng King of Talk ang single niya mismo na 'My Love will See You Through,' sinabi ni Marco na pwede iyon maging kanta niya para kay Andrei.