
Talagang nakakahawa ang energy ng dance star duos noong ikalawang linggo ng Stars on the Floor dahil napasayaw ang dance authorities na sina Kapuso Primetime Queen Marian Rivera at Dance Trend Master Coach Jay, kasama ang host na si Asia's Multimedia Star Alden Richards.
Hindi lang basta sayaw kundi humataw ang dance authorities at si Alden sa krump dahil na-inspire sila sa maangas at solid na krump performance nina Thea Astley at Kakai Almeda.
Napabilib si Marian sa transformation nina Thea at Kakai dahil mula sa pagiging kilalang “soft girls” ay naging fierce at krump-ready queens sila sa kanilang performance.
"Dito ako bumibilib kahit sa artista, kahit pa na umaarte sila, hindi kayo natatakot na maiba yung itsura niyo, na maging hip-hopers kayo ganiyan para lang makapag-perform kayo. At tonight, one of the best kayo para sa akin!" komento ni Marian sa dalawa.
Pagkatapos magbigay ni Marian ng komento ay tinanong nito si Coach Jay kung pasado ba ang krump ng dalawa sa kaniya at inasar itong mag-sample.
Naghiyawan ang lahat nang pumunta si Coach Jay sa dance floor para sumayaw ng krump. Ngunit, mas naghiyawan ang audience nang game na game si Marian na ipakita din ang kaniyang krump moves.
Nag-sample din ng krump ang coach nina Thea at Kakai na si Coach LA na sinundan ni Alden humataw.
Tumaas ang energy sa dance floor nang sabay-sabay sumayaw sina Alden, Coach LA, Thea, at Kakai.
Sumang-ayon naman si Dance Comedienne of the Dance Floor Pokwang na napasayaw ang lahat dahil nakakahawa talaga ang kanilang energy.
Noong pilot episode, itinanghal na 1st top dance star duo sina Thea at kaniyang unang ka-duo na si JM Yrreverre. Samantala, ang nagwaging 2nd top dance star duo sa ikalawang linggo ay sina Rodjun Cruz at Zeus Collins.
Patuloy na abangan ang maiinit at maaangas na performances sa Stars on the Floor tuwing Sabado, 7:15 p.m. sa GMA.
Samantala, tingnan dito ang recap ng pilot episode ng Stars on the Floor: