
Sobrang espesyal ng Saturday afternoon dahil nakisaya ang Kapuso Primetime King and Queen na sina Dingdong Dantes at Marian Rivera sa It's Showtime.
Mainit ang pag-welcome ng hosts ng programa kina Marian at Dingdong at binati pa nila ang mga manonood ng “What's Up, Madlang People.”
Matapos ito, tinanong ni Jhong Hilario ang celebrity couple kung ano ang best moments sa kanilang buhay na ipinagpapasalamat nila na nangyari ngayong taon.
Para kay Dingdong, nagpapasalamat siya na nagkaroon ng pagkakataon na makatrabaho ang kanyang misis. Bibida sina Dingdong at Marian sa pelikulang Rewind, na isa sa official entries ng Metro Manila Film Festival 2023.
Related content: Marian Rivera, Dingdong Dantes, kasama sa mga lead stars ng 10 MMFF movies
“Grateful ako na sa taong ito, nabigyan ako ng pagkakataon na makatrabaho ang asawa ko kasi sobrang busy po niya tapos nung binigyan kami ng chance to work together, parang 'di siya trabaho. Parang kaming nagde-date araw-araw kaya pinagpapasalamat ko talaga 'yon,” pagbabahagi niya.
Ayon kay Marian, 13 na taon ang lumipas mula nang makatrabaho niya ng kanyang asawa sa pelikula.
Tanong naman ni Vice Ganda sa guest stars, “Ano'ng difference nung magkasama kayo sa work kaysa sa magkasama kayo sa bahay? May difference ba or wala?”
Sagot ng aktres, “Palagi kong sinasabi, parang wala kasi kung ano kami sa bahay, gano'n din kami sa trabaho namin. So palaging nilu-look forward lang namin na magkasama kami together kasi sa bahay may mga kids so nahahati. Kaunti kanya, marami sa kids.”
Kuwento pa ni Marian, medyo nailang sila ng kanyang mister sa kanilang intimate scene sa pelikula.
Aniya, “Sa dami ng ginawa namin doon sa movie na medyo mabibigat na eksena, doon kami medyo nailang, sa aming intimate scene. Ang weird kasi malalaman niyo kung paano kami sa personal. Ang hirap i-acting. Sabi namin kay Direk, 'Direk, pwede ba dim light lang. May silhouette lang kami.'”
Subaybayan ang It's Showtime tuwing Lunes hanggang Biyernes, 11:30 a.m., at tuwing Sabado sa oras na 12 noon sa GTV.