
Bibida si Marian Rivera sa 2024 Cinemalaya entry na Balota, na co-produced ng GMA Pictures at GMA Entertainment Group, at writer at director na si Kip Oebanda.
Bibigyang-buhay ni Marian ang role bilang Emmy, ang gurong magliligtas sa huling kopya ng balota sa gitna ng eleksyon. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na bibida ang renowned actress sa isang Cinemalaya film.
Sa panayam ng GMANetwork.com, ibinahagi ng Kapuso Primetime Queen kung bakit niya tinanggap ang paggawa ng Balota.
“Napakaganda ng kuwento at nakapaganda nung message sa mga makakapanood,” aniya.
Excited na rin ang My Guardian Alien lead star sa pagganap sa kanyang bagong movie character.
“Kaya nga very excited ako paglauran 'yung character niya kasi deglamorized ako this time,” lahad niya.
Bukod dito, excited na rin si Marian sa kanyang co-stars na makakasama sa proyektong ito.
“First time kong gagawin itong Cinemalaya na ito and very, very excited ako, especially sa new cast na makakatrabaho ko kasi everytime na may ginagawa akong show, bukod doon sa kuwento, excited ako doon sa mga makakasama ko,” saad ng celebrity mom sa naganap na story conference ng Balota.
Kabilang sa cast ng Balota sina Will Ashley, Raheel Bhyria, Nico Antonio, Royce Cabrera, Joel Saracho, Donna Cariaga, Sue Prado, Mae Paner, Gardo Versoza, Sassa Gurl, at Esynr.
Ang 2024 Cinemalaya Independent Film Festival ay idaraos sa August 2 hanggang August 11.
Samantala, kasalukuyang napapanood si Marian sa My Guardian Alien, tuwing Lunes hanggang Biyernes, 8:50 p.m., sa GMA Prime, Pinoy Hits, at Kapuso Stream. Mapapanood din ang programa sa oras na 10:30 p.m. sa GTV.